(NI HARVEY PEREZ)
INILUKLOK kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong Supreme Court (SC) Chief Justice si Associate Justice Diosdado Peralta bilang kapalit ng nagretirong si Chief Justice Lucas Bersamin.
Ito ay inianunsiyo ni SC spokesman Brian Hosaka sa isang press briefing sa SC.
Nabatid na si Peralta na pinaka-senior sa mga nominado sa pagka-CJ ay ang ika-26 na Punong Mahistrado at magreretiro sa Marso 27, 2022.
Si Peralta ay tubong Laoag Ilocos Norte at nagsilbi na rin bilang prosecutor ng Maynila hanggang sa maging Judge ng Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Naging Justice rin ito ng Sandiganbayan noong 2002 nang italaga siya ni dating Pangulong Gloria Arroyo bago naitalaga bilang Mahistrado ng SC noong Enero 13, 2009.
Nalaman na matalik na magkaibigan ang mga ama nina Arroyo at CJ Peralta na si dating Judge Elviro Peralta.
Sa katunayan, sinasabing hinango ang pangalan ni Peralta sa ama ni Arroyo na si dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Una nang sinabi ni Peralta sa kanyang pagsalang sa sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC), na maaring ang passion niya sa kanyang trabaho ang dahilan kung bakit inaakala ng iba na isa siyang arogante dahil kalimitan niyang tinatanggihan ang mga gustong makipag-usap sa kanya na humihingi lamang ng iligal na mga pabor.
Nalaman na ang maybahay ni Peralta ay si Court of Appeals (CA) Associate Justice Fernanda Lampas Peralta.
Kabilang sa mga kontrobersiyal na desisyon na pinonente ni Peralta ang pagpapahintulot na mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani noong 2016.
Kasama rin si Peralta sa miyembro noon ng Sandiganbayan special division na naghatol ng guilty noong 2007 kay dating pangulong Joseph Estrada sa kasong plunder.
317