PILIPINAS HUWAG GAWING AYUDA NATION – ATTY. VIC

PANAWAGAN ito ni dating executive secretary at ngayon ay senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez kasunod ng ulat na umaabot sa kabuuang P253.378 billion ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para magamit bilang cash assistance o mas kilala bilang ‘ayuda’.

Nakapaloob ito sa panukalang PHP6.352-trillion national budget for 2025.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Rodriguez na pang-emergency na hakbang lamang ang ayuda ngunit ginagamit ito ng mga kaalyado ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa pamumulitika.

Aniya, walang pangmatagalang epekto ang ayuda para umangat ang ekonomiya ng Pilipinas sa halip ay lalo nitong ibabaon ang bansa sa pagkalugmok sa utang.

Dahil dito, nanawagan si Rodriguez sa sambayanang Pilipino na huwag hayaan na maging isang Ayuda nation ang Pilipinas na mistulang kinokorap ang mahihirap, mga tamad at mga hindi nagbabayad ng buwis na kabaligtaran naman sa mga nagtatrabaho at nagbabayad ng kanilang taxes subalit nananatiling nasa laylayan ng Lipunan.

Inaasahan na umano na dahil sa P6 Trillion budget sa susunod na taon ay uutang ang pamahalaan dahil maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay aminadong hindi nila ito kakayanin lalo pa’t ang kanilang collecting arm na Bureau of Customs ay halos 3 percent lamang ang itinaas sa revenue collection.

Kung kukuwentahin sa kasalukuyan ang pagkakautang ng bansa, ang bawat Pilipino ay may Php138 libong utang na.

Nauna rito, iniulat ng DBM na naglaan ito ng P253.378 billion sa 2025 budget para sa cash assistance o “ayuda” para sa ‘vulnerable sectors’ ng lipunan.

Alinsunod ito sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, na nakatuon sa pagpapatupad ng economic at social transformations, kabilang na ang pagpapalakas sa kakayahan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang ‘vulnerabilities’ at pangalagaan ang kanilang purchasing power.

Ang budget allocation ay mas mataas kaysa sa P200.9 billion noong 2021; P276.8 billion para sa taong 2022 at P251.3 billion para naman sa 2023 allocations. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)

106

Related posts

Leave a Comment