(NI BERNARD TAGUINOD)
PINANGANGAMBAHAN ng militanteng grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na lalong lalala umano ang human rigths abuses sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang tuluyang pagkalas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kung ngayon ay malala umano ang paglabag sa karapatang pantao lalo na sa giyera kontra ilegal na droga, asahan na mas malalala pa ito dahil sa pagkalas na ng Pilipinas sa ICC.
“Nakatatakot isipin na higit na darami ang mga halimaw na mapang-abuso sa hanay ng kapulisan at mas maraming kababaihan ang magiging biktima ng ganitong kamuhi-muhing kalakaran,” ani Brosas.
Epektibo ng Marso 17, ang pag-withdraw ng Pilipinas sa ICC matapos ang isang taon simula nang abisuhan ng Duterte administration and United Nation (UN) ukol sa kanilang plano kaya natapos ang 19 taong membership ng bansa sa Rome of Statute.
Naniniwala si Brosas na kaya kumakalas si Duterte sa ICC ay dahil natakot umano ito mapanagot sa giyera kontra ilegal na droga kung saan mahigit 20,000 ang napatay sa istilong vigilante killings habang mahigit 5,000 naman sa police operations simula noong 2016.
259