PINOY NA PARI NA NAAKSIDENTE SA EGYPT, LIGTAS NA — CBCP

(NI HARVEY PEREZ)

NASA maayos nang kondisyon ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nasangkot sa isang bus accident habang nasa pilgrimage sa Mount Sinai, Egypt.

Sinabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, si Father Marvin Mejia, secretary general ng CBCP, ay nakalabas na mula sa Sharm El Sheikh International Hospital.

Ang impormasyon ay ipinaabot kay David ni  Father Jan Limchua, na nagtatrabaho sa Apostolic Nunciature sa Cairo, Egypt, na nagbigay ng impormasyon sa kondisyon ngayon ni Mejia.

Ilang beses na rin  umano niyang nakausap si Mejia na kasalukuyan nang nagpapahinga sa isang hotel sa naturang bansa.

Nasa pilgrimage ang grupo at nagtu-tour sa Egypt si Limchua nang maaksidente ang sinasakyan nilang bus noong Martes ng gabi, matapos bisitahin ang Saint Catherine’s Monastery sa Mount Sinai.

Nalaman na pinagkalooban rin naman ng kaukulang tulong ng Philippine Embassy sa Cairo si Mejia at ang iba pang Pinoy na kasama nito nang maganap ang aksidente.

158

Related posts

Leave a Comment