AALAMIN ng Quad-committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung sino ang cuddlers at mga protektor ng Chinese mafia na nasa likod ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), illegal drugs at human rights violations sa bansa.
Ito ang nabatid kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers na tatayong chairman ng QuadComm na kinabibilangan ng committees on human rights, public order and safety at public accounts.
“Eto pong issue ng drugs, human rights violations, illegal POGO where most of public officials are allegedly involved meron pong nagpoprotect, meron pong cuddlers yan. Yun po ang tinitingnan natin,” ani Barbers.
Sa Agosto 15 ay pormal nang magsa sagawa ng imbestigasyon ang apat na nabanggit na komite na sadyang binuo dahil sa kanilang hiwa-hiwalay na imbestigasyon ay lumalabas na ang Chinese mafia ang puno’t dulo ng problema.
Ang human rights committee ay nagsagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings kung saan natuklasan na POGO money ang ipinambayad umano sa mga pulis na makakapatay ng Pinoy na pinaghihinalaang drug addict habang si Barbers ay tinutukan ang P3.6 billion na drogang nakumpiska sa isang bodega sa Mexico, Pampanga na pag-aari ng Empire 999 na ang mga incorporator ay konektado sa dating economic adviser ni pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
Tinututukan naman ng committee on public order and safety ang POGO investigation habang ang public accounts committee ay inimbestigahan naman kung paano nabili ng mga Chinese nationals ang mga lupains sa Pampanga lalo na ang pinagtayuan ng bodega na may nakumpiskang droga. (BERNARD TAGUINOD)
99