(NI CHRISTIAN DALE)
TULUYAN nang binuwag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa nakitang bagsak pa rin ang kalidad ng Ilog Pasig.
Sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 93 ay tuluyan nang nabuwag ang komisyon.
Sa isang liham na may petsang Nobyembre 12 at naka- address kay PRRC officer-in-charge Assistant Secretary Joan Lagunda, nagsumite ang Pangulo ng certified copy ng EO 93, kung saan pormal na ipinag-utos ang “disestablishment of the Pasig River Rehabilitation Commission.”
Sa ilalim ng EO 93, binigyang diin ni Pangulong Duterte ang “consolidate ongoing rehabilitation efforts in all river systems and tributaries within the Manila Bay Region and streamline rehabilitation functions by transferring them to agencies with relevant core mandates.”
“The PRRC is hereby disestablished,” ang nakasaad sa EO, kung saan epektibo na ito matapos lagdaan ng Chief Executive noong Nobyembre 8.
Ang paglagda sa EO 93 ay nangyari makaraang ihayag ng Pangulo ang kanyang plano na buwagin ang PRRC noong Setyembre18.
Batay sa executive order number 93, ipapasa o ililipat ang mga tungkulin ng PRRC sa ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Manila Bay Task Force, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Minamandato ng naturang EO ang Manila Bay task force na pangunahan ang kabuuang implementasyon ng Pasig River Rehabilitation Master Plan upang magamit ang potensyal nito para sa transportasyon, recreation at maging sa turismo.
Pinatitiyak naman sa DENR na naipatutupad ang ibat ibang environmental laws upang maibalik ang dating ganda at kalinisan ng ilog Pasig.
Samantala, Sa Human Settlements and Urban Development ini-atas ang relocation ng mga informal settlers sa paligid ng Pasig River banks habang sa DPWH naman pinatitiyak na mai-aalis ang mga istruktura at obstructions sa paligid ng ilog.
Una nang sinabi ng pangulo na dapat nang buwagin ang PRRC at gamitin na lamang ang pondo nito upang pambili ng mga gamot at pagkain para sa mga Filipino.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na walang kwentang tanggapan ang PRRC kaya hinimok niya ang Kongreso na i-abolish na ito.
Katwiran ni Duterte, malinis na ang Pasig River kaya wala nang lilinisin pa sa ilog.
“There is nothing to clean in the Pasig River. It is already clean. That is the state-of-the-art ng Pasig. Unless we require every building not only along the river but everybody who has a waste to dump in a sewage or sewerage, walang mangyari,” pahayag ng Pangulo sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malakanyang Lunes ng gabi.
Binanggit ng Pangulo na sinibak na niya si dating PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Ang pera anyang nakalaan sa naturang ahensya ay mas mabuting gamitin sa pagbili ng mga gamot at bigas.
Kamakailan ay inilipat ng pangulo ang chairmanship ng PRRC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Nabuo ang PRRC noong 1999 sa pamamagitan ng executive order ni dating Pangulong Joseph Estrada para malinis at maibalik ang kondisyon ng Ilog Pasig.
170