(NI NOEL ABUEL)
NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na malaki ang maitutulong ng taumbayan kung maisasama ito sa paghubog ng pambansang gastusin ng pamahalaan taun-taon.
Ayon kay Lacson, mas mahirapang makalusot ang tangkang pagpapakasasa sa kaban ng bayan ng mga mambabatas.
Aniya, kung isasali ang publiko sa pagsusuri ng mga miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paghubog ng pambansang gastusin ng pamahalaan taun-taon ay mapipigilang maabuso at magamit sa anomalya.
Sa inihaing Senate Bill 24, ni Lacson, papayagan ang publiko na makapanood nang personal at makasali sa talakayan ng mga mambabatas sa pambansang badyet mula sa komite hanggang sa bicameral conference committee.
“Now is the time for Congress to recognize the importance of the direct participation by people’s organizations and non-government organizations in the budget deliberation,” sabi pa ni Lacson sa kanyang panukala.
Dapat din umanong ma-institutionalize ang legislature-civil society collaboration upang matiyak ang transparency and accountability sa proseso ng budget deliberation.
Si Lacson na kilalang nangunguna sa Senado sa pagbusisi sa mga nakatagong pork barrel na isiningit ng ilang mambabatas sa pambansang gastusin taun-taon dahilan upang magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-veto sa mga kuwestiyonableng nilalaman sa 2019 budget.
Paliwanag ni Lacson, gastusin para sa publiko ang pambansang badyet kung kaya’t nararapat lamang na magkaroon ang mga ito ng pagkakataon na makapahayag ng kanilang mga saloobin at mungkahi.
134