ROQUE, NARSOLIS PINAARESTO NG KAMARA

DAHIL sa patuloy na pagbabalewala sa Quad Committee ng Kamara na nag-iimbestiga sa koneksyon ng illegal drugs, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at extra-judicial killings (EJK), tuluyang ipina-contempt at ipinaaaresto na si dating congressman at Presidential spokesperson Harry Roque.

Sa mosyon ni Bukidnon Rep. Keith Flores, inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na i-contempt si Roque dahil sa halip na isumite ang lahat ng mga dokumentong may kaugnayan sa paglobo ng kanyang kayamanan ay naghain ito ng motion to quash sa ikalawang pagkakataon para pigilan ang komite na kalkalin ang pinagmulan ng kanyang yaman.

Bago ito ay naghain ng mosyon si Surigao del Norte Rep. Johnny Pimentel para i-contempt si dating SPO4 Art Narsolis na isa sa mga itinuturong nasa likod ng pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao Penal Farm noong 2016, dahil sa patuloy na pagbabalewala nito sa imbitasyon ng komite.

Dahil dito, otomatikong maglalabas ang komite ng arrest warrant laban kay Roque kung saan sa hiwalay na mosyon ni House committee on human rights chairman Bienvenido Abante Jr., ay iminungkahi nito na ikulong ang dating spokesperson ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Bicutan, Taguig.

Si Roque ay nasabit sa imbestigasyon dahil ang kliyente nito na si Cassandra Li Ong ng Whirlwind Corporation ay konektado umano sa POGO na Lucky South 99 na sinalakay sa Porac, Pampanga kung saan nakitaan ng mga ebidensya ng human trafficking, torture, murder, kidnapping, prostitusyon at iba pang krimen.

Bukod dito, natuklasan din ng komite na ang pinaghahanap na POGO officials ay nangupahan sa bahay ni Roque sa Tuba, Benguet at nakatira rin sa Lucky South 99 ang kanyang executive assistant na si AR dela Serna.

Sinayang Ni Ong

Samantala, sinayang ni Cassandra Li Ong ang pagkakataon na mabawasan ang kanyang pananagutan sa mga kriminalidad sa POGO sa Porac, Pampanga.

Nanghinayang si House committee on human rights chairman Rep. Bienvenido Abante Jr., isa sa mga namumuno sa Quad Committee na nag-iimbestiga sa koneksyon ng illegal drugs, POGO at extra-judicial killings (EJK) matapos tumakbo sa Korte Suprema si Ong para pigilan ang nasabing komite na pilitin siyang magsalita.

Ayon sa mambabatas, karapatan ni Ong na maghanap ng tulong sa hudikatura subalit sinayang nito ang pagkakataon na matulungan siya ng Kongreso na mapagaan ang kanyang kaso at mapanagot ang mga mas nakatataas sa kanya.

Sa huling pagharap ni Ong sa quadcomm, hindi naitago ng mga mambabatas ang pagkadismaya sa kanya dahil hindi tinatanggap ang kanyang pagtanggi na huwag sagutin ang mga sensitibong katanungan sa operasyon ng Lucky South 99 na niraid ng mga otoridad.

Dahil dito, bumaba ang blood pressure ni Ong na naging dahilan para itakbo ito sa St. Lukes subalit noong Miyerkoles ay nakalabas na ito sa pagamutan at ikinulong sa Batasan Pambansa Complex dahil sa kanyang contempt charge.

Ipinabasura naman ni House committee on public order and security chairman Rep. Dan Fernandez ang sulat ng abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio para gamitin ng kanyang kliyente ang right to remain silent.

Kinastigo rin ni Fernandez si Topacio dahil sa banta ipako-contempt umano siya nito sa korte kapag pinilit ang kanyang kliyente na magsalita.

“Wala po siyang (Topacio) monopoly ng legal context. Grow up!,” ani Fernandez kay Topacio. (BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment