Sa bakunadong turista, lokal o dayuhan TRAVEL RESTRICTIONS PINALULUWAGAN

0

IMINUNGKAHI ni Senador Win Gatchalian sa mga kinauukulan na ikonsidera ang pagluluwag ng mga panuntunan sa COVID-19 testing at quarantine protocols sa mga turistang nabakunahan na, banyaga man o lokal, upang matulungang makabangon ang turismo ng bansa tungo sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.

“Kung nagluwag sa health protocols para sa mga bakunadong Pilipinong bumiyahe galing ng ibang bansa, wala akong nakikitang dahilan para hindi rin ito ipatupad ito sa mga nabakunahang dayuhan at lokal na turista dahil pareho lang naman ang sitwasyon nila. Bukod dito, mas may pakinabang din ito sa ating ekonomiya dahil maibabalik natin sa trabaho ang mga empleyadong nawalan ng trabaho sa sektor ng turismo,” ayon sa vice chairperson ng Senate economic affairs committee.

Sa kautusang inanunsyo ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Hunyo 4, ang mga Pilipinong dito nagpabakuna at nangibang bansa ay kailangang sumailalim sa pitong araw na lamang na quarantine pag-uwi nila. Ang RT-PCR o swab test ay kailangan lamang gawin sakaling may makitang sintomas ng COVID-19 sa loob ng nasabing quarantine period. Ang mga mag-uuwiang biyahero ay kinakailangang magpakita ng kanilang vaccination card sa kanilang pag-alis at pagbalik sa bansa para patunayan na bakunado na sila. Samantala, hindi kasama sa inanunsyo ng IATF kung sakop ng tinatawag na “green lane” policy ang mga uuwing overseas Filipino workers (OFWs) at mga biyahero na nagpabakuna sa ibang bansa.

Sinabi ni Gatchalian na ang pagluluwag sa travel restrictions ay ipinatutupad na sa ibang bansa katulad sa Amerika, batay sa panuntunan ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Sa kasalukuyan, hindi na kailangang mag self-quarantine ang lahat ng international travelers papasok ng Amerika, kabilang na ang U.S. citizens, at kailangan na lang magpa-COVID-19 test tatlo hanggang limang araw pagdating galing biyahe. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment