DAHIL walang tigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa Pilipinas, aalamin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung may mga kasabwat ang mga drug trafficker sa Bureau of Customs (BOC).
Ito ang nilalaman ng House Resolution (HR) 1374 na inakda ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., matapos matuklasan ang 323 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.2 billion sa isang container na inabandona sa Manila International Container Port (MICP) noong Oktubre 4.
Interesado ang mambabatas na malaman kung sino-sino ang mga kasabwat ng drug traffickers sa BOC lalo pa’t base sa “Smuggling of Illicit Drugs Aided by Customs Players” na sinulat ni Marie Catherine Nolasco at inilabas sa website ng United Nations Asia and Far East Institute for the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders (UNAFEI) na malaking papel ng custom players sa pagpasok ng droga sa Pilipinas.
“Under the chapter on “Beating the System of the BOC,” the paper said: “The players at the Bureau of Customs have wittingly or unwittingly paved the way for the drug traffickers to smuggle illicit drugs into the country passing through the Bureau of Customs itself,” ani Barzaga.
Isa rin umano sa dahilan na tinukoy ni Nolasco ang kakulangan ng X-ray machines sa BOC kaya hindi isang daang porsyentong naiinspeksyon ang lahat ng mga cargo na mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Lumabas aniya sa report na ang container na inabandona sa MICP ay mula sa Mexico at hindi dumaan sa X-ray inspection nang dumating ito noong Pebrero 2023 bagkus ay isinagawa lamang ito noong Oktubre 4 matapos makatanggap ang BOC ng impormasyon na naglalaman ito ng ilegal na droga.
Base sa impormasyon, BOC intelligence group at hindi mga X-ray inspector ang nakatuklas na naglalaman ng droga ang container na lumabas sa Subic freeport at idineliber sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
“The operation and subsequent seizure of shabu was also a result of a “derogatory report” from the BOC Intelligence Group and not through the inspection by the BOC,” ani Barzaga kaya kailangang seryosohin na aniya na alamin kung sino ang mga player sa BOC na sangkot sa pagpapasok ng ilegal na droga sa bansa.
(BERNARD TAGUINOD)
440