SAP SCAM ‘TINUTULUGAN’ NG KAMARA

0

KINALAMPAG ng militanteng mambabatas ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso para bigyan pansin ang kanilang resolusyon na imbestigahan ang pinasok na kontrata ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa StaryPay para sa distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP).

Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang pangangalampag kaugnay ng inihain nilang House Resolution (HR) 2146 noon pang Agosto 19, 2021 subalit nananatiling nakabinbin sa Kamara.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat palagpasin ng Kamara ang anila’y maanomalyang transaksyon ng DSWD sa StarPay dahil kaduda-duda na nabigyan it ng 60% sa SAP funds o katumbas ng P50 billion gayung baguhan lamang ito sa industriya.

Pinaghatian naman umano ng 6 pang financial service providers (FSPs) na matatagal na sa industriya tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP), GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya at Unionbank ang iba pang pondo.

Duda ang grupo ni Zarate dahil bukod sa 2018 lamang nairehistro ang StarPay ay nagdeklara umano ito ng bankruptcy noong 2019 ngunit nakakuha ng mas malaking parte sa SAP.

Mas kailangan umanong mag-imbestiga ang Kongreso dahil lumalabas na 500,000 lamang umano sa 1.8 million beneficiaries ang nakakuha ng ayuda sa StarPay.

Ayon sa mambabatas, maraming report na pinatulog umano sa bangko ang SAP funds na idinaan sa StarPay kaya hindi ito agad naipamahagi gayung kailangang kailangan ito ng mga tao sa panahon ng pandemya noong 2020.

Kinuwestyon din sa Senado

Binusisi rin sa Senado ang naturang usapin sa SAP funds.

Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson kung paano nasabi ng DSWD na mayroon silang 94-percent physical accomplishment sa pamamahagi ng pondo mula sa Social Amelioration Program (SAP), kung 80 porsyento lamang ang kanilang nailabas na pondo?

Binigyang diin ito ng senador nitong Lunes sa kanyang interpelasyon sa panukalang badyet ng DSWD para sa taong 2022 na umaabot sa P191.4 bilyon.

“Something doesn’t add up. The DSWD’s latest data showed that the agency was able to distribute SAP to 717,372 out of 761,259 target beneficiary families. That would constitute 94.23-percent accomplishment as of Aug. 31, 2021,” ani Lacson.

Ngunit ayon din sa naturang report, makikita na 80 porsyento lamang ng pondo ng DSWD ang nagamit para sa SAP.

Paliwanag ni Hannah Carido ng DSWD, may ginawa silang adjustment sa kanilang target, kung saan 855,597 ang benepisyaryo noong Enero 2021 sa halip na 717,372.

Sa kabilang banda, inatasan naman ni Lacson ang DSWD na matuto na mula sa kanilang “poor planning” kung saan kailangan nilang makipag-ugnayan sa Starpay matapos mapag-alaman na 70 porsyento pala ng SAP beneficiaries ay may depektibo o walang mobile phone.

“The DSWD became reactive. It did not determine the beneficiaries’ capability to use mobile phones before distributing the aid, so it had to engage financial service providers. It should have planned first and determined the capability of the beneficiaries to receive aid via mobile phones. The bottom line is poor planning,” giit ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na namroblema ang ilang local government units sa pamamahagi ng SAP matapos silang makatanggap ng mga reklamo na hindi ito naipamamahagi base sa datos ng DSWD, na kalaunan ay napag-alaman na luma na pala dahil noong 2015 pa.

“Some barangay chairmen agreed among themselves to just redistribute the P5,000 to P8,000 accordingly because the list provided by the DSWD central office was outdated,” sabi ni Lacson.

“They wanted to adapt to the situation on the ground. We cannot fault the LGUs,” dagdag ng senador. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment