Kinakaladkad ang pangalan ni Sen. Kiko Pangilinan sa pagkakaaresto sa 93 Chinese nationals at 11 Pinoy sa operasyong isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa ilegal na online gambling sa Pasig City kahapon.
Batay sa impormasyong nakalap ng Newsbreak Insight Team (NIT), may opisyal na nagpapakilalang kamag-anak ni Sen. Pangilinan ang gumagamit ng pangalan nito kaugnay sa kaso.
Matatandaan na sinalakay ng mga operatiba ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng NCRPO, Regional Mobile Force Battalion
(RMFB)-SWAT, Anti-Cyber Crime Group (ACG), NHQ, Camp Crame sa pakikipagtulungan ng Pasig City Police Station ang ikalawang palapag ng Ortigas Techno Point Building 2 kahapon, batay na rin sa search warrant na inisyu ng Makati City Regional Trial Court Branch 146 noong November 15, 2018.
Samantala, kinakatawan naman ng nagngangalang Manuel “AJ” Pangilinan at Marie Espiritu ang Finasia Tech Inc. na may tanggapan din sa ikalawang palapag ng naturang gusali at sinasabing pag-aari ng pamilya umano ng Senador, subalit hindi naman kumpirmado na sangkot nga ito sa ilegal na operasyon.
“Hindi kami naniniwala na sangkot si Sen. Pangilinan sa ilegal na operasyon,” pahayag ng isa sa mga opisyal na kasama sa raid nang kapanayamin ng NIT.
Sinabi ni NCRPO Chief Police Director Guillermo Lorenzo T. Eleazar na walang lisensiya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pasugalan.
Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang mga computer, cellphone at iba pang mga gadget na posibleng ginagamit sa iligal na operasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 6 ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at Presidential Decree 1602 o ang Stiffer Penalties on Illegal Gambling.
Maliban dito, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang NCRPO sa Bureau of Immigration at embahada ng China para malaman kung may working permit ang mga naarestong Chinese.
Sinikap ng NIT na makuha ang panig ni Sen. Pangilinan pero wala ito sa kanyang opisina habang isinusulat ang balitang ito.
203