SOLONS: PAG-ATRAS NG WATER CONCESSIONAIRES SA P11-B TIYAKIN

maynilad1

(NI BERNARD TAGUINOD)

MISTULANG  ayaw magpagulang ang mga kongresista kaya inoobliga ng mga ito ang mga water concessionaire na ilagay sa black & white na talagang isinusuko ng mga ito ang halos P11 billion na napanalunan sa Permanent Court of Arbitration (PCA) na nakabase sa Singapore.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public accountability na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at House committee on good government ni Bulacan Rep. Jose Sy-Alvarado, iginiit ng mga kongresista na kailangang magkaroon ng kasulatan na hindi na sisingilin kahit kailan ng Manila Water at Maynilad ang monetary award na ibinigay sa kanila ng PCA.

Unang iginiit ni  Cavite Rep. Elpidio Bargaza na kailangang may kasulatan upang matiyak na masusunod ito kahit magpalit ng gobyerno dahil base sa kaniyang karanasan umano bilang abogado, karaniwang “hindi nasusunod ang verbal statement lamang”.

Ito rin ang pahayag ni 1Pacman party-list Rep. Eric Pineda kaya inungkat nito kung handa ang mga opisyales ng Manila Water at Maynilad na magbigay ng kasulatan bagay na kanila namang tiniyak sa pamamagitan ng ipapasa umanong board resolution at formal letter.

Kinatigan naman ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado na kailangang magkaroon ng legal document para masiguro na hindi na sisingilin talaga ng Maynilad at Manila Water ang kanilang award na umaabot sa P10.8 Billion.

Sa nasabing halaga, P7.4 Billion dito ay sa Manila Wataer at P3.4 Billion naman sa Maynilad na kanilang napanalunan sa PCA matapos idemanda ang gobyerno dahil hindi sila pinayagang magtaas ng singil mula noong 2015 hanggang 2017. “Wala tayong tiwala sa kanila kaya kailangang magkaroon ng legal na kasulatan. Malay mo balang araw sisingilin nila yun,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Sinabi naman ni House minority leader Bienvenido Abante na naisahan ng water concessionaires ang taumbayan sa kanilang concession agreement kaya mahirap umanong panghawakan ang kanilang pangako na hindi na sila maniningil kaya kailangan ang “clear cut legal document” sa bagay na ito.

 

154

Related posts

Leave a Comment