EX-GOV. TAN: DAYAAN SA ARMM POLLS MAY PRUWEBA; ‘NOY AT MAR, GINIPIT AKO SA PANDARAYA’

MAR-NOYNOYPormal na naghain ng mosyon noong Lunes sa Commission on Elections (Comelec) ang kampo ni dating Sulu Governor Abdusakur “Sakur” Tan upang ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) matapos na halos 80% ng mga bumoto sa mga probinsiya ng Maguindanao, Lanao Del Sur at Basilan noong 2016 polls ay mga peke  o ‘di tunay na botante umano ng naturang mga lugar.

Ayon kay Tan, sa isinagawang forensic examination ay hindi nagtugma ang thumbprints ng registered voters nang ikumpara ang mga ito sa aktuwal na bumoto noong 2016 sa tatlong nasabing lalawigan na sakop ng ARMM.

Sa panayam, sinabi ni Tan na “unfair” umano sa mga mamamayan ng ARMM na pamunuan ng isang huwad o fake na gobernador. Si Tan ay kumandidato bilang regional governor at kasalukuyang may protestang nakahain at dinidinig ng Comelec laban kay Mujiv Hataman.

Kinumpirma naman ni dating Comelec chairman Sixto Brillantes ang pahayag ni Tan.

Ayon kay Brilliantes, ang mga bumoto noong nakaraang eleksiyon ay pawang mga hindi umano tunay na nakarehistro o ‘yung tinatawag na “substitute voters” na kadalasan umanong nangyayari sa Mindanao.

Dagdag ni Brilliantes, sa 67,000 thumbprints na kanilang ipinasuri, 40,000 rito ay napatunayan umanong peke, kaya dapat ideklarang “null and void” ang katumbas na bilang ng mga boto sa ARMM.

Si Brillantes ay abogado ngayon ni Tan laban kay Hataman.

Ibinunyag ni Tan na noon pa man ay mayroon na umanong balak na mandaya ang administrasyong Aquino at kung ilang beses din umano siyang pinigilan na labanan si Hataman alinsunod umano sa bilin ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.

Sa isa umanong pagpupulong kasama si Roxas at mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP)  at Department of National Defense (DND), nagbanta umano si Aquino na personal siyang pupunta sa Sulu at tatanggalin ang buong pamilya ni Tan kung hindi nito iaatras ang kanyang kandidatura, ayon pa kay Tan.

“Hindi lalaki kausap si Noynoy at walang isang salita”, ayon kay Tan.

Nagpadala rin umano si Aquino ng ilang opisyal sa West Mincom (Western Mindanao Command) at sinabihan umano ang kanyang anak ng “masyadong matigas ang ulo ng tatay mo, baka madamay ka.”

Dahil umano sa pananakot na ito, ayon kay Tan ay pinuntahan niya ang naturang mga opisyal at sinabi-hang “kahit i-firing squad n’yo ako, hindi ako magwi-withdraw.”

129

Related posts

Leave a Comment