(NI MINA DIAZ)
BINUO ng Commission on Elections (Comelec) ang Anti Vote-Buying Task Force upang magbantay at tuluyang mapanagot ang mga lumalabag sa batas ng eleksyon.
Si Comelec Commissioner Al Parreño ang itinalagang mamuno sa task force habang vice chair naman si Commissioner Antonio T. Kho.
Tututukan ng task force ang mga kaso ng vote-buying na maaari umanong maganap sa May 13, elections na sinasabing kinasasangkutan ng mga kandidato at kanilang mga supporter.
Magsisilbing deputy ng Comelec task force ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) habang kapartner naman nito ang Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Ganap na ala-1 ng hapon nang pormal na ilunsad ang task force na sinaksihan nina Commissioner Al A. Parreño, PNP- PBGen Rey Lyndon T. Lawas, Deputy Director Directorate for Operations; DILG- Usec. Jonathan E. Malaya at mga kinatawan mula sa NBI Regional Operations Service at mga opisyal ng IBP.
Tuwing halalan ay talamak umano ang vote-buying kung saan ay inaalok ng pera o pabor ang mga botante kapalit ng kanilang boto.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, isang election offense ang vote-buying.
Parurusahan din ang mga tumanggap ng pera mula sa vote-buying pero bibigyan sila ng “immunity” kung isusumbong nila ang nag-alok sa kanila ng pera.
Kailangan lang magbigay ng affidavit sa korte ang mga tumanggap nito.
Maaaring idulog sa lokal na korte o kaya sa Comelec ang mga masasangkot sa vote-buying. May parusa itong diskuwalipikasyon sa pagtakbo, pagboto, o pagkakakulong na mula isa hanggang anim na taon.
244