(NI DANG SAMSON-GARCIA)
ISINUSULONG ni Senador Imee Marcos na gawing libre sa Customs duty at value added tax ang importasyon ng mga medical supplies at equipment.
Sa kanyang Senate Bill 1171, ipinaliwanag ni Marcos na alinsunod sa Saligang Batas, tungkulin ng estado na protektahan ang karapatan ng bawat tao sa tamang kalusugan subalit nagiging kapansin-pansin anya sa bansa ang unfair at unequal access sa health services.
Ipinaliwanag ng senador na may 1,071 licensed private hospitals at 721 public hospitals, kabilang ang 70 pagamutan na pinamamahalaan ng Department of Health.
Batay sa pahayag ng International Trade Administration (ITA), halos 100% ng medical equipment at devices sa Pilipinas ay imported at limitado lamang sa prototype units, spare parts at disposables ang local production.
Ipinaliwanag pa sa panukala na ang mga donasyon para sa medical equipment ay exempted sa buwis subalit pinagbabayad ng customs duties and value added-taxes (VAT) kaya’t maraming donors ang napipigilang magbigay ng donasyon.
Ayon kay Marcos, kung maaaprubahan ang kanyang panukala na tanggalin na ang Customs duties at VAT sa importasyon ng medical devices at equipment, ay tiyak ang development at innovation sa medical research, medical diagnoses, at maibibigay ang epektibo at accessible medical treatment sa mga Pinoy.
Batay sa panukala, saklaw nito ang medical supply o equipment para sa medical research and medical
treatment na idodonate sa Department of Health (DOH), government hospitals, o anumang medical research institution; at mga spare parts, components, at accessories, para sa maintenance, inspection, calibration, o repair ng medical supply or equipment.
Saklaw din nito ang mga donasyong may kinalaman sa medisina, medical supplies o equipment mula sa isang indibidwal, government institution, corporation, international organization, o iba pang entities para sa medical missions o disaster relief operations.
190