(NI BERNARD TAGUINOD)
NAIS ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tuluyang ikandado ang WellMed Dialysis Center sa Quezon City dahil sa kinasasangkutan nitong anomalya sa Philhealth.
“Ipasara, ikandado na agad dapat ang WellMed at lagyan ng bantay na pulis,” mungkahi ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., sa Quezon City government.
Sa ngayon ay ang accredidation sa Philhealth pa lamang aniya ang suspendido sa WellMed kaya puwede pa aniyang buhayin kaya nararapat umano na suspendehin na ito ng local government.
“Yung operations dapat talaga ang directly masuspend, to be made permanent later by a court order, “ ani Garbin.
Ang nasabing kumpanya ay nasangkot sa anomalya matapos ibunyag ng dalawang tauhan nito na nangongolekta pa rin ang mga ito ng bayad sa Philhealth sa pag-dialysis kahit patay na ang kanilang pasyente.
Dahil dito, sinabi ni Garbin na kailangang suspendehin na rin ng Quezon City government ang business permit ng nasabing kumpanya lalo na’t kinasuhan na ng Department of Justice (DoJ) ng katiwalian ang mga may-ari ng kumpanya.
Gayunpaman, kailangang matulungan aniya ang mga pasyente ng WellMed na makalipat sa ibang pagamutan para hindi maapektuhan ang kanilang pagpapagamot.
145