Tuluyan na yan! ‘WAG NANG URONG-SULONG SA 100% F2F CLASSES – SOLON

“WE cannot afford another postponement of classes”.

Ito ang pahayag ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro dahil maraming nangangamba na posibleng maipagpaliban na naman ang face-to-face classes dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa mambabatas, nagdusa ang sistema ng edukasyon sa pag-iral ng distance learning sa nakaraang dalawang taon.

Bukod aniya sa nawala sa pokus ang mga estudyante ay kulang na kulang ang learning materials, karamihan sa mga estudyante lalo na sa mga probinsya ang walang koneksyon sa internet.

Hindi rin aniya binuhusan ng nakaraang administrasyon ng tulong ang mga estudyante kaya walang natutunan ang mga estudyante mula 2020 hanggang 2022.

Kaya naman hindi na aniya dapat ipagpaliban ang 100% face-to-face classes upang makabangon ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Kailangang lamang aniyang bigyan ng bagong administrasyon ng atensyon ang minimum safety health protocols upang maproteksyunan ang mga guro, school personnel at mga estudyante.

Tutulong aniya ang Kongreso sa pagpapatupad nito sa pamamagitan ng supplemental budget.

Maging ang National Parent-Teacher Association (PTA) ay pabor na ituloy ang pagbabalik ng face-to-face classes sa kabila ng tumataas na kaso ng COVID-19.

Ayon kay PTA president Willy Rodriguez, lumabas sa kanilang online survey na 100% ng respondents ang nais nang ibalik ang in-person classes sa publiko man o pribadong mga paaralan.

Katwiran ng grupo, bukod sa walang natututunan ang mga bata kapag online, apektado rin maging ang kanilang social life.

Iminungkahi naman ni Rodriguez na ihiwalay ang mga mag-aaral na hindi pa bakunado sa mga bakunado na.

Bagaman, hindi obligadong magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga mag-aaral na lalahok sa face-to-face classes, hinihikayat pa rin silang magpabakuna.

Ang mga guro naman na hindi pa rin bakunado ay maaaring magturo sa hybrid setup. (BERNARD TAGUINOD/RENE CRISOSTOMO)

80

Related posts

Leave a Comment