US PAPAPEL SA $81-M BANK HEIST SA RCBC

rcbc1

(NI DAVE MEDINA)

PUMAPEL ang US government  sa $81 milyon bank heist sa bank deposit ng Bangladesh sa New York Federal Reserve  sa New York USA makalipas ang halos apat na taon.

Noong Biyernes ay kinasuhan ng US District Court ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) sa Manhattan kaugnay ng money laundering na nangyari sa pera ng  Bangladesh sa New York Federal Reserve  sa New York.

Kasabay halos nito ay nagpahayag ng kahandaan ang US Federal Government na tumulong sa Bangladesh sa paghahabol sa RCBC sa nangyaring cyber heists.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng US government na magbibigay sila ng technical assistance sa pamahalaan ng Bangladesh sa paghahabol sa $81 Million na deposito sa New York Federal Reserve na iligal na naiwithdraw sa US at iligal ding  naipasok ng Pilipinas sa pamamagitan ng RCBC.

Sa naunang mga imbestigasyon ay nagawa ng isang grupo ng mga hacker na makapagpadala ng mga pinekeng dokumento sa New York branch ng US Central Bank kaya matagumpay na naisagawa ang nasabing iligal na online banking transaction.

Dahil sa isang mensaheng nakalusot sa New York Federal Reserve at naipadala sa RCBC, nagkaroon ng clearing para mawithdraw ang naturang napakalaking halaga sa pakikipagsabwatan umano ng noon ay bank manager sa Jupiter branch ng RCBC sa Makati .

Halos dalawang linggo ang nakakalipas ay napatunayang guilty ng Makati Regional Trial Court ang bank manager na si Maia Deguito.

Ang mga hackers, sa pakikipagsabwatan umano ni Deguito, ay sinasabing gumamit ng Society for Worldwide Interbank International Telecommunication (SWIFT) global payment network sa kanilang hacking activities.

Ang SWiFT ay isang uri  ng network na ginagamit ng mga financial institutions sa buong mundo upang magpadala o tumanggap ng impormasyon patungkol sa transaksyong pananalapi sa isang maaasahan at mapakakatiwalaang  kapaligiran. Tanging mensahe lamang ang kanilang ipinadadala at hindi nagsasagawa ng pag-aayos.

Mayroong 11,000 financial institutions sa 200 bansa na nagpapalitan ng mga mensahe na nag-aaverage ng 15 milyon mensahe kada araw.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng US federal government na naipasok ang nasabing malaking halaga ng pera sa ilang rehistradong casino sa Pilipinas .

Sa  halagang  $81 milyon na natangay mula sa deposito ng Bangladesh, tanging $15 milyon pa lamang ang nababawi ng Bangladesh dahil  sa  kusang loob na pagsosoli ng ilang personalidad na nasangkot .

Sinabi  naman ni Atty. Tai-Heng Cheng, abogado ng RCBC sa New York, na walang basehan ang mga alegasyon sa RCBC.

Karamihan din umano sa mga kinasuhan ay wala naman sa US kaya walang hurisdiksyon sa kaso ang alinmang hukuman sa Amerika.

 

 

251

Related posts

Leave a Comment