(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroong gustong marinig ng mga Filipino sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 22, ito ay ang mga usaping may kinalaman sa sikmura.
Dahil dito, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na ito ang dapat tutukan ni Duterte sa kanyang SONA at pakinggan ang hinaing ng taumbayan na tatlong taon nang naghihintay na tuparin ng Pangulo ang kanyang pangako.
“Muli, malinaw na ang mga isyung malapit sa sikmura ang gustong marinig at masolusyunan ng mamamayan sa SONA at hindi ang Cha-cha o ang pagpapakatuta sa China,” ani Gainte.
Ginawa ng mambabaas ang nasabing pahayag matapos lumabas sa survey ng Pulse Asia na kung may mga isyung nais ng mga ito na talakayin ng Pangulo sa kanyang SONA ay ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, pagpapababa sa presyo ng mga bilihin, pagpapalaganap o pagbibigay ng trabaho sa mga tao.
Sinabi ng mambabatas na lahat ng ito ay naipangako ni Duterte noong tumatakbo pa lamang itong Pangulo subalit tatlong taon na ito aniya sa kapangyarihan ay hindi pa natutupad.
“Malinaw din na ang pagtaas ng minimum wage, pagwawakas sa endo o kontraktwalisasyon, at pagpapababa sa presyo ng bilihin ang gustong marinig ng karamihan dahil naghihirap ang sambayanan at di pa rin tinutupad ni Pang. Duterte ang kanyang mga pangako,”dagdag pa ni Gaite.
Sa ngayon ay hindi pa napipirmahan ni Duterte ang anti-Endo bill at hindi pa naibibigay ang dagdag na sahod, hindi lamang sa mga public school teachers kundi ng mga karaniwang manggagawa sa gobyerno.
Maliban dito, barya lang aniya ang ibinibigay na dagdag na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor kaya isinusulong ng grupo ni Gaite na ang Kongreso na ang gumawa ng batas para sa itaas sa P750 ang arawang sahod sa bansa.
“The Filipino people will continue to clamor and fight for wage increases and job security until they are substantially given. No amount of rhetoric, razzmatazz and red-tagging can change that,” ayon pa kay Gaite.
147