TIYAK magigisa si Vice President Sara Duterte sa darating na budget hearing dahil sa paggastos sa pera ng bayan na hindi sinusunod ang batas.
Ani House deputy minority leader France Castro, kailangang ihanda ni Duterte ang sarili sa mga pagbusising gagawin ng mga militanteng mambabatas kaugnay sa ibinuko ng Commission on Audit (COA) na shinorcut (shortcut) ng Office of the Vice President (OVP) ang pagbili ng mga kagamitan na ginamit sa mga Satellite Office ng bise presidente.
“We are deeply concerned about the OVP’s alleged shortcuts in procurement processes. This is a matter that should not be taken lightly, especially considering that millions, even billions, of taxpayers money are involved,” pahayag ni Castro.
Hindi umano nila kayang palagpasin ang bagay na ito dahil sa halip na maging ehemplo si Duterte sa ibang ahensya ng gobyerno ay nangunguna pa ito sa paglabag sa Government Procurement Reform Act kung saan dapat idaan sa bidding ang mga kagamitan na bibilhin ng gobyerno para makamura subalit may kalidad.
Dahil dito, asahan aniya na reresbakan ng grupo ni Castro si Duterte kapag nagsimula na ang Congressional deliberation sa 2024 national budget sa Agosto dahil kung hindi ay patuloy na lalabagin ng OVP ang batas.
Hindi lamang ang OVP ang dapat aniyang rebyuhin kung sinusunod ang procurement processes kundi ang Department of Education (DEpEd) at National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan secretary at co-chair si Duterte, ayon sa pagkakasunod.
Muli ring iginiit ng mambabatas na kailangan busisiin ang P650 million confidential fund ni Duterte na kinabibilangan ng P500 Million sa OVP at P150 million sa DepEd.
Tanging sa panahon ni Duterte nagkaroon ng confidential fund sa OVP at maging sa DepEd.
“We must uphold the principles of good governance and fiscal responsibility. It is crucial to establish transparency and accountability in all government offices, including the OVP,” ayon pa kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)
