KINUMPIRMA ni Finance Secretary Ralph Recto na wala pang pinaglalagakang investment ang Maharlika Investment Corporation, pitong buwan matapos itong likhain.
Sa pagpapatuloy ng briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado kaugnay sa proposed 2025 national budget, sinabi ni Recto na umaasa silang bago matapos ang taon ay magkaroon na ng desisyon ang MIC kung saan magsisimulang maglagak ng puhunan.
Ipinaliwanag ni Recto na sa ngayon ay kumpleto na ang board ng MIC na kinabibilangan ng Development Bank of the Philippines, Landbank of the Philippines, Finance Secretary at ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor.
Idinagdag pa ng kalihim na bagama’t may opisina na ang MIC ay naghahanap pa sila ng mga empleyado at inaayos pa ang packages na iaalok sa mga ito.
Nilinaw rin ni Recto na walang subsidiya para sa MIC sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program at ang seed fund nito na P75 billion ay nakalagak pa sa National Treasury.
Ang interest rate anya na nakukuha sa pondo ang siyang ginagamit nila para gastusin ng MIC sa ngayon.
Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na umaasa silang makakagawa na ng substantial investment para sa imprastraktura ang korporasyon. (DANG SAMSON GARCIA)
38