(NI ABBY MENDOZA)
AGAD binuweltahan ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon ang mga opisyal na ginagawang katatawanan ang isyu sa Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea.
Ayon kay Biazon, lalong malilito ang taumbayan at mabibiktima ng misinformation dahil sa mga birong gaya nito.
Ang puna ay ginawa ni Biazon kasunod ng pahayag ni Senate President Tito Sotto na mahirap sabihing exclusive lamang para sa Pilipinas ang lugar dahil maaaring mula sa China ang mga isdang naririto.
Sa halip umano na magbitaw ng salita ay dapat umanong maging maingat ang mga opisyal sa pagkokomento at tiyaking tama ang mga inilalabas na pahayag dahil seryosong usapin ang claims sa West Philippine Sea.
Samantala, bukod sa legal issues ay binigyang-diin ng kongresista na kailangang ikonsidera rin ang pagbalewala ng China sa environmental protection sa pamamagitan ng mapanirang pamamaraan sa pangingisda at pagkuha ng yamang-dagat.
Iginiit ni Sotto sa isang panayam na kung magiging teknikal sa isyu ay dapat suriin ang constitutionality sa kung ano ang pag-aari ng bansa sa lugar dahil may mga eksklusibong uri ng isda na tanging sa China makikita pero nag-migrate umano sa Pilipinas.
Samantala minaliit lamang ni outgoing Akbayan Party-list Rep Tom Villarin ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipakukulong ang sinumang maghahain ng impeachment complaint laban sa kanya sa gitna ng isyu sa Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.
206