(NI NICK ECHEVARRIA)
MATAPOS sabihin ng Philippine National Police (PNP) na cleared si dating presidential economic adviser Michael Yang sa pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal drug trade sa bansa, sinabi ni PNP Chief General Oscar Albayalde na nagsasagawa pa rin sila ng validation at verification.
Ginawa ni Albayalde ang pahayag sa isang ambush interview ng media sa Camp Crame bilang tugon sa mga alegasyon ng sinibak na opisyal na si dating P/colonel Eduardo Acierto.
Kasama sa ginagawang validation ng PNP ang inilabas na drug matrix ni Acierto na nagsasangkot kina Michael Yang, Allan Lim at isang Johnson Chua sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Albayalde na kapag may mga ganitong akusasyon ay awtomatiko silang nagsasagawa ng mga information gathering. Maaari aniyang na-clear si Yang noong una pero dahil may mga alegasyon si Acierto ay maaari umano silang magsimula dito para maberipika kung totoo o hindi ang sinasabing operasyon ng mga inaakusahan.
Wala rin umanong nakikitang masama si Albayalde sa ginagawang validation ng PNP para palakasin ang naging statement ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Chinese ambassador sa bansa kung wala naman aniya silang kinalaman.
Idinagdag pa ng PNP Chief na maging ang Presidente ay hindi sila pinagbabawalang mag-validate kaugnay sa umanoy pagkakasangkot ni Yang sa ilegal na droga.
179