(NELSON S. BADILLA)
MISTULANG napakalakas ng pagkakapuwesto o nakasandal sa pader ang mga gambling lord na sina alyas ‘Renel”, alyas “Tisay” at alyas “Boyong” sa lungsod ng Caloocan dahil mismong si Mayor Oscar Malapitan ay hindi kumikilos laban sa kanilang tatlo.
Sa madaling salita, masasabing “walang pakialam” si Malapitan.
Ayon sa mga residente ng lungsod, malabo nang umaksyon ang alkalde laban sa jueteng bookies ng “EZ2” at bookies ng “lotteng” ni alyas Renel dahil ilang buwan na lang siya sa puwesto.
Hindi na maaaring tumakbong alkalde si Malapitan sa halalang 2022 dahil tapos na ang tatlong termino niya sa Hunyo 30, 2022.
Nagsimulang maging alkalde si Malapitan noong 2010.
Kaya, kahit ang mga bookies ng EZ2 at lotteng nina alyas Tisay at alyas Boyong ay hindi na rin pagkakainteresan ni Malapitan upang matigil ang mga ito.
Kaya, hindi natitinag ngayon sina alyas Renel, alyas Tisay at alyas Boyong.
Bukod dito, hindi rin kumikilos ang lokal na pulisya ng Caloocan dahil ang liderato ng Northern Police District (NPD) na pinamumunuan ni Brigadier General Jose Hidalgo Jr. ay hindi agresibo laban sa ilegal na mga sugal sa Caloocan kahit napaka notoryus at garapalan na ang operasyon ng mga ito.
Si Hidalgo ay nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) noong 1991.
Itinalaga siyang direktor ng NPD nang maging hepe ng Philippine National Police (PNP) si General Guillermo Lorenzo Eleazar.
Ayon sa sources, ipinagyabang daw ni Hidalgo ang pagkakapwesto niya sa NPD dahil masasabing “juicy position” ito.
Sa pagkakatalaga ni Hidalgo sa NPD, saka naman nakabalik si alyas Renel sa Caloocan City.
Sabi ng source, nakapuwesto si alyas Renel dahil sa isang gambling lord na si alyas “Reyna”, o alyas “Tita” sa Laguna at iba pang lalawigan sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Si Reyna rin ang nag-aalaga kina alyas Tisay at alyas Boyong.
Pero, sa sobrang lakas ng nasabing alyas Renel kay Reyna, pinayagan ang una na pasukin pati ang EZ2 at lotteng kung saan kalaban niya sina Tisay at Boyong.
Idiniin ng source na hindi gagalawin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sina Renel, Tisay at Boyong dahil ang ‘amo’ nilang si Reyna , o Tita, ay “superlakas” daw kay Major General Vicente Danao Jr.
Ipinaliwanag ng source na naging super lakas ni Tita kay Danao dahil matagal-tagal ding naging direktor ng PNP – Calabarzon si Danao bago nasungkit ang pinakamataas na posisyon ng PNP sa NCRPO.
Nanatili si Danao sa NCRPO nang magsimulang umupong PNP Chief si Eleazar dahil mayroon umanong humarang sa Davao.
173 