KORAPSYON, BASURA SA MGA ESTERO AT ILIGALIDAD SA MAYNILA

MAYROONG mga nagawa si Mayor Isko Moreno simula nang maging alkalde ito ng Maynila.

Sobra naman kung hindi natin malaman ang mga ginawa at patuloy na ginagawa ni Moreno, samantalang ipinarating ito ng kanyang media operators sa mainstream media at social media.

Hindi ba’t ipinatanggal ni Moreno ang vendors sa Carriedo?

Hindi ba’t ipinatanggal niya ang terminal ng mga pampublikong sasakyan sa Liwasang Bonifacio?

Hindi ba’t pinaganda ni Moreno ang dalawang underpass malapit sa Manila City Hall?

Hindi ba’t kinompronta niya noon ang ilang traffic enforcers ng pamahalaang lungsod na nangongotong sa mga motorista?

Pinaganda rin ni Moreno ang paligid ng Monumento ni Gat. Andres Bonifacio na katabi ng City Hall.

Kaso, walang mapagpasyang aksyon si Yorme Isko Moreno laban sa talamak na korapsyon sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

Pokaragat na ‘yan!

Garapalan ang korapsyon sa pamahalaang lokal ng Maynila noong panahon ni Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Tapos, nawalang lahat nang maging punong lungsod si Isko Moreno na “Francisco Domagoso” ang totoong pangalan?!

Pokaragat na ‘yan!

Ibig sabihin, wala nang ‘padulas’ na malaking porsiyento sa lahat ng proyektong ipinasok, o ginawa, ng kung anu-anong departamento at dibisyon sa pamahalaang lungsod ng Maynila?

Nabalitaan ko sa unang taon ni Moreno na 40 porsiyento raw ang ‘padulas’ sa lahat ng proyekto.

Ilang araw na ang nakalipas, mayroon nagsabi sa akin na 40 porsiyento pa rin ang padulas.

Ibig sabihin, hanggang ngayon ay mayroong korapsyon sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

Hindi tinumbok ng taong nagbigay ng impormasyon kung alam ito ni Isko Moreno.

Tiniyak lang niya na masahol pa rin ang korapsyon sa Maynila kahit si Moreno na ang alkalde.

Pokaragat na ‘yan!

Ipinalinis ni Moreno ang ilang kalsada mula sa napakaraming vendors, ngunit hindi siya naging agresibo sa pagpapalinis sa mga napakaruming estero.

Maraming baradong estero dahil napakaraming tambak na mga basura.

At pihadong nakararating ito sa Manila Bay dahil nakadikit ang huli sa Maynila.

Kaya, masasabing sablay din si Moreno sa problema sa estero.

Kung susuriin at bubusiing mabuti, hindi lang sa korapsyon at estero palpak si Moreno, kundi sa iligalidad.

Hindi kumikilos si Moreno laban sa mga ilegal na sugal sa Maynila.

Kaya, hindi ako nagtataka kung bakit ‘supertahimik’ ang Manila Police District (MPD) laban sa mga gambling lord sa Maynila.

Maganda pa naman ang mga nababalitaan ko kay Brigadier General Leo Francisco tungkol sa mga nagawa nito laban sa iba’t ibang krimen noong hindi pa siya heneral at hindi pa naipupuwesto sa pinakamataas na posisyon sa MPD.

Sa pagkakaalam ko, talamak ang jueteng sa Maynila, talamak ang bookies ng karera, bookies ng mga sugal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), electronic – sabong (e – sabong), tupada (ilegal na sabong), video karera, drop ball, at iba pa bago maging alkalde si Moreno.

Mayroon pa ngang mga pulis na patong sa jueteng, bookies, video karera, tupada, drop ball at iba pang sugal – lupa.

Mula nang maging alkalde si Moreno ay bihira nang nauupakan sa mga pahayagan ang mga naturang iligalidad.

Ibig bang sabihin, wala nang lahat ang mga nasabing ilegal na sugal sa Maynila nang maging alkalde si Isko Moreno?

Pokaragat na ‘yan!

Kung literal na wala na, sobra namang kahanga-hanga si Mayor Francisco Domagoso, alyas Yorme Isko Moreno.

Samakatuwid, kakaibang nilalang si Isko Moreno, dahil siya lang pala ang ‘solusyon’ sa napakatalamak na iba’t ibang klaseng ilegal na sugal sa kabisera ng Pilipinas.

Pero, madalas kong mabalitaan noon na mahilig daw si Moreno sa casino.

Ibig sabihin, malaki ang ipinagbago ni Moreno?

198

Related posts

Leave a Comment