DPA Ni BERNARD TAGUINOD
LUMALALA na naman ang problema sa trapik sa Metro Manila at bumabalik na ulit ang sitwasyon sa pre-pandemic period kung saan halos walang galawan sa mga kalsada lalo na sa rush hour.
Pinaghahanda na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga tao dahil ngayong panahon ng kapaskuhan, madaragdagan ng 20 percent ang traffic volume sa Metro Manila.
Kulang na lang, sabihin na ‘huwag na kayong lumabas” kung ayaw niyong matengga sa kalsada dahil kung ngayon ay halos walang galawan ang mga sasakyan pagdating ng rush hour, baka lalong hindi na uusad ang mga sasakyan sa susunod na buwan.
Maraming artikulo ang naisulat na ukol sa negatibong epekto kasama ang naisulat ko na dati noong nasa kabilang tabloid pa ako, ng matinding trapik sa kalusugan ng mga tao.
Sabi ng isang dating congresswoman na isang medical professional na nakausap ko noon, maraming motorista ang nagkakasakit sa bato dahil sa tumitinding trapik sa Manila.
Hindi kasi nakaiihi ang mga tao habang nasa gitna sila ng kalsada at kapag nagpigil ka ng pag-ihi, may masamang epekto ‘yun sa iyong bato at kalaunan ay sisirain ang inyong kidney.
Bukod diyan, walang maayos na pahinga ang mga tao dahil nauubos ang oras nila sa kalsada, hindi nakauuwi nang maaga at kailangang gumising din nang maaga upang hindi ma-late sa trabaho.
Ang mga taong wala raw sapat na pahinga ay humihina ang immune system at masama ‘yun sa katawan na magiging sanhi ng kumplikasyon ng ibang sakit tulad ng hypertension.
Nawawalan din ng oras ang mga magulang sa kanilang mga anak dahil pag-uwi nila ay tulog na ang mga ito at pag-alis nila kinabukasan ay tulog pa rin ang kanilang mga anak at may masamang epekto ‘yun sa mga bata. Hindi na natututukan ng working parents ang kanilang mga anak.
Pagdating naman sa ekonomiya, ang laki ng nawawala kada araw dahil sa trapik dahil kung ang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2018 ang pagbabasehan, P3.5 billion ang halaga ng nawawalang kita ng bansa kada araw.
Mas mataas kumpara sa P2.3 billion na naitala noong 2014 at kapag wala pa ring ginawa ang gobyerno para paunlarin ang transport system, P5.45 billion na ang mawawalang kita pagdating ng 2035.
Ibig sabihin, nawawalan tayo ng P1.27 trillion kada taon kapag nawawalan tayo ng P3.5 billion kada araw dahil sa trapik. Halos kasing laki na ang halagang ‘yan sa ipinasasahod ng gobyerno sa mahigit isang milyong empleyado ng burukrasya.
Ang daming magagawa sana ang halagang ‘yan para mapaunlad ang transport system, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa pero naglalaho at nasasayang lang.
Ilang administrasyon na ang nagdaan pero parang wala silang nagawa para resolbahin ang problemang ito. Puro plano lang sila nang plano.
