2 BEBOT TIMBOG SA CYBERCRIME

SWAK sa selda ang dalawang babae makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) sa Ermita, Manila matapos ireklamo ng isang 32-anyos na binatang estudyante hinggil umano sa pananakot na ipagkakakalat ang mga larawan at usapan nila ng kanyang kasintahan sa social media.

Bandang alas-4:00  noong Miyerkoles ng hapon, pinangunahan ni Police Major Reynaldo T. Salim, hepe ng MDACT, ang ikinasang entrapment operation sa isang fastfood restaurant sa panulukan ng Taft Avenue at Pablo Ocampo Street laban sa mga suspek na sina alyas “Marie”, 19, at alyas “Paula”, kapwa first year college, at residente ng Sta. Ana, Manila.

Nag-ugat ang pagkakatimbog sa dalawang suspek makaraang maghain ng reklamo ang biktimang si alyas “Joshua”, 32, residente ng Malate, Manila.

Ayon kay Police Corporal Alvin Sildo, inihayag ng biktimang si Joshua na pinagbantaan siya ng Facebook account na may pangalang “Louisse Castillo” na ipakakalat nito sa social media ang kanyang pribadong larawan at pakikipag-usap niya sa kasintahan kung hindi siya magbibigay ng halagang P20,000.

Bunsod nito, kinausap ito ng biktima at nagkasundo silang magkita sa isang fastfood restaurant kung saan dumating ang dalawang suspek na sina alyas “Marie” at alyas “Paula”.

Ngunit lingid sa kaalaman ng dalawang suspek ay humingi na ng tulong ang biktima sa tanggapan ng MDCAT.

Nang iabot ng biktima ang P20,000 halaga ng marked money at abutin ng mga suspek ay agad na dinakma ang mga ito ng mga awtoridad.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang marked money at ang isang Iphone 7 Plus na Rose Gold at isang Samsung Galaxy A32 na puti na gagamiting ebidensya laban sa mga ito.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 (Anti-Photo Voyeurism Act of 2009), sextortion, at grave coercion in relation to section 6 ng RA 10175 o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012. (RENE CRISOSTOMO)

24

Related posts

Leave a Comment