2 LALAKI NAGBIGTI SA LQ SA LIVE-IN PARTNER

CAVITE – Hinihinalang dahil sa lover’s quarrel (LQ) sa kanyang live-in partner kaya nagbigti ang isang 42-anyos na construction worker sa Tagaytay City, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Emiliano ng Purok 91, Brgy. Mag-asawang Ilat, Tagaytay City.

Nabatid sa ulat, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-8:00 ng umaga kamakalawa habang kausap nito ang kanyang bayaw.

Bandang alas-2:00 ng hapon, dinalhan ito ng bayaw ng pagkain ngunit bumulaga ang wala nang buhay na biktima habang nakabitin sa tinutuluyang kubo sa Brgy. Mag-asawang Ilat, Tagaytay City.

Agad naman nitong tinawagan ang kanyang misis na kapatid ng biktima upang ipaalam ang insidente, gayundin sa barangay officials.

Tumanggi ang kapatid ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng kanyang kapatid dahil naniniwala siyang walang nangyaring foul play dahil tumira umano itong mag-isa sa kubo dahil sa problema sa kanyang live-in partner.

Samantala, dahil umano sa matinding depresyon makaraang makipaghiwalay sa live-in partner, natagpuang nakabigti ang isang 36-anyos na scavenger sa kanilang bahay sa Upper Smokey Mountain, Tondo, Manila.

Kinilala ang biktimang si Dennis, tubong Barrio Teberna, Cauayan, Masbate, nakatira sa isang barong-barong sa Smokey Mountain.

Base sa ulat na isinumite ni Det. John Paul Rojo kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, nadiskubre ng kapatid na babae at ng stepbrother ng biktima habang nakabigti ang huli sa kanilang bahay.

Anila, dumaranas ng depresyon ang biktima makaraang hiwalayan ng live-in partner nito.

(SIGFRED ADSUARA/RENE CRISOSTOMO)

322

Related posts

Leave a Comment