(JESSE KABEL RUIZ)
NAKA-10-day alert ngayon ang lahat ng ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) bunsod ng posibleng epekto ng Tropical Storm Nika na umabot na sa Signal Number 4 sa ilang lugar sa hilagang Luzon habang may dalawa pang tropical cyclone na namumuo ang binabantayan.
Tiniyak ng pamahalaan sa sambayanan na nakaposisyon na ang kanilang mga tauhan at mga kagamitan habang nakatutok ang Luzon sa posibleng epekto ng Severe Tropical Storm Nika, na nagsimulang manalasa sa Isabela at Northern Aurora kahapon.
Papasok naman sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at magiging isang ganap na bagyo si Ofel ngayon Martes.
Inaasahang lalakas pa ito habang binabagtas ang Philippine Sea bago mag-landfall sa northern or central Luzon sa Huwebes.
Kaugnay nito, inatasan ni Interior and Local Government Secretary (DILG) Jonvic Remulla, vice chair ng NDRRMC, ang may 2,500 barangays na direktang tatamaan ni Nika, na magsagawa ng preemptive evacuations habang naka-standby ang concerned government units.
“We have advised all the governors involved in the 2,500 barangays to be evacuated, especially those prone to floods and landslides,” ani Remulla sa ginanap na pulong balitaan.
Ayon kay Remulla, Biyernes pa lamang noong nakalipas na linggo ay naglabas na ng babala ang ahensya.
Binigyang-diin ni SILG na ang response scenario nila ay 10-day event, na nagsimula noong Biyernes hanggang sa darating na Lunes bunsod ng posibleng epekto ng Tropical cyclones, Ofel at Pepito.
DOH Nakaalerto Rin
Pinaalerto na ng Department of Health (DOH) ang local government units (LGU) na posibleng maapektuhan ng Bagyong Nika.
Kasunod na rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na asistehan ang lokal na pamahalaan kaugnay ng sitwasyon sa kalusugan ng mga residente.
Gayundin para mailikas ang mga nasa highest risk kabilang ang mga buntis na nasa kanilang third trimester ng pagbubuntis, nagpapasusong mga ina, mga bata, matatanda, PWD at may pre-existing conditions.
Kaugnay nito, inatasan ang lahat ng health facilities na unahin ang pag-admit sa mga buntis na mataas ang panganib ng mga komplikasyon.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa, nakahanda ang health facility at mga ospital ng DOH para matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo sa kabila ng banta ng bagyo.
Pinaalalahanan naman ng kalihim ang publiko na maging alerto at ihanda ang Go Bag sa bawat pamilya na may lamang medical kits. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
78