23 KATAO NASAGIP SA TUMAOB NA BARKO

ISINASAILALIM sa malalimang imbestigasyon kung “oil spill” ang naging dahilan ng pagtaob ng isang barko sa karagatang sakop ng Surigao Del Norte.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, nasagip ang umabot sa 23 indibidwal, kabilang ang isang kapitan ng barko, at 22 tripulante

Batay sa ulat ng PCG, nagresponde sila sa isang maritime incident ukol sa pagtaob ng LCT Pacifica 1 sa karagatan sa pagitan ng Hinatuan Island at Bucas Grande Island sa nabanggit na lalawigan.

Ang nasabing barko ay kinakatawan ng 23 tripulante kabilang ang kapitan na kinilalang si Capt. Roberto Espino.

Ayon sa kapitan ng barko, galing ang barko sa Cabadbaran Port sa Agusan del Norte at patungo sa Dapa Port sa Surigao del Norte nang maka-engkwentro ng malalaking alon na umabot ng tatlong metro ang taas.  Humampas ang alon at pumasok ang tubig sa engine room na nagdulot ng pagkasira ng makina at ng steering nito.

Masuwerteng napadaan sa bisinidad ang MV Veronica na agad na iniligtas ang mga tripulante ng cargo vessel.

Nagresponde rin agad sa lugar ang BRP Panglao ng PCG na nagbigay ng atensyong medikal sa mga tripulante at tiniyak ang maayos na kondisyon ng mga ito. (RENE CRISOSTOMO)

94

Related posts

Leave a Comment