3 BAGETS NA AKYAT-BAHAY HULI SACCTV

CAVITE – Tatlong hinihinalang mga miyembro ng akyat-bahay gang na pawang mga menor de edad ang inaresto matapos pasukin ang isang bahay at tangayin ang halos P100,000 halaga ng cash at isang gadget sa Imus City noong Miyerkoles ng gabi

Hawak na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng Imus City ang mga suspek na sina alyas “Carl”, “JR”, at “Makmak” dahil sa reklamo ni alyas “Carlito” ng Jade Residences, Brgy. Malagasang 1-C, Imus City, Cavite.

Ayon sa reklamo ni Carlito, noong Disyembre 26, umalis sila ng buong pamilya sa kanilang bahay sa Jade Residences sa Brgy. Malagasang 1-C, Imus City at nagtungo sa isang kamag-anak sa Alabang, Muntinlupa City para sa family gathering.

Nang bumalik sila noong Disyembre 27 dakong alas-6:00 ng gabi, natuklasan nila na nilooban ang kanilang bahay.

Kabilang sa natangay ang P57,000 cash at isang Lenovo laptop na nagkakahalaga ng P35,000, o kabuuan na P92,000.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8:00 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagsira sa screen door.

Matapos rebyuhin ang closed circuit television (CCTV) camera ng subdibisyon ay nakilala ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito at nabawi ang P33,560 cash mula sa isa sa kanila.

(SIGFRED ADSUARA)

227

Related posts

Leave a Comment