3RD PHASE NG BIAF-MILF DECOMMISSIONING PROCESS ISINAGAWA SA MAGUINDANAO

SINAKSIHAN ng bagong itinalagang Commanding General ng Philippine Army, Lt. Gen. Roy M. Galido, kasama si Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang ikatlong bahagi ng decommissioning process para sa mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armed combatant members ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ginanap sa Old Capitol, Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na pinangungunahan ni Sec Carlito Galvez, nasa 1,301 mga miyembro ng BIAF, MILF ang isinalang sa decommissioning process kasama ang kanilang mga armas bilang bahagi ng nasabing proseso.

Dinaluhan din ni Secretary Antonio Ernesto Lagdameo, Jr., Special Assistant to the President, siya ring panauhing pandangal at tagapagsalita, ang nasabing aktibidad. Sinabi nitong patuloy na tutulong ang gobyerno sa mga ito at hiniling na iwasan na ang anomang kaguluhan.

Ayon kay Secretary Carlito Galvez Jr., ng OPAPRU, aabot na sa 26,000 combatant ang made-decommission matapos ang ikatlong bahaging ito.

Sinabi naman ni Ambassador Suat Akgun, ang chairman ng Independent Decommissioning Body, target nila na makumpleto ang decommissioning process bago ang gagawing kauna-unahang halalan ng BARMM sa taong 2025.

Tiwala naman si BARMM Chief Minister, Ahod Ebrahim, Al Haj, na sa pamamagitan nito ay patuloy na makakamit ng Bangsamoro ang kapayapaan sa bahaging ito ng Mindanao.

Ang decommissioning process ay bahagi ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng MILF sa inilatag na Annex on Normalization of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na nilagdaan ng GPH at ng MILF noong 2014.

Dumalo rin sina Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Division Commander ng 1ID; GPH Implementing Panel Chair for the GPH-MILF Peace Accord retired Brig. Gen. Cesar B. Yano; Chair, MILF Peace Implementing Panel, Minister Mohaqher Iqbal; DA Asec Samsamin Ampatuan, P/BGen. Allan C. Nobleza, Regional Director, PRO BAR at maraming iba pa.

(JESSE KABEL)

129

Related posts

Leave a Comment