4 ESTUDYANTE BUMULUSOK SA POSO NEGRO, 1 PATAY

CAVITE – Nasawi ang isang Grade 5 student habang sugatan ang tatlo pa nitong kaklase makaraang bumulusok sila sa isang poso negro sa loob ng kanilang eskuwelahan sa bayan ng Alfonso sa lalawigan noong Lunes ng hapon.

Pawang isinugod sa Poblete Hospital ang apat na mga estudyante subalit si alyas “Criszel”, 12-anyos, ay idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ulat, sabay-sabay umanong kumain ng kanilang pananghalian bandang alas-12:30 ng hapon ang apat na mga estudyante ng Sinaliw Malaki Elementary School sa Brgy. Sinaliw Malaki, Alfonso, Cavite.

Nakaupo sila sa isang konkretong upuan sa loob ng kanilang eskuwelahan nang bigla umanong bumigay ito at bumagsak sa isang poso negro dahilan upang mahulog ang mga ito at bumulusok sa poso negro.

Mabilis namang nagresponde ang mga kawani ng Alfonso Rescue Team at isinugod sa ospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Criszel habang nasugatan ang tatlo,

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa eskuwelahan hinggil sa nasabing insidente. (SIGFRED ADSUARA)

85

Related posts

Leave a Comment