BFAR CHIEF SIBAK KAUGNAY SA P2-B MAANOMALYANG KONTRATA

INIUTOS ng Office of the Ombudsman ang pagtanggal sa serbisyo kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto kaugnay ng pagkakasangkot sa sinasabing maanomalyang paggagawad ng kontrata na nagkakahalaga ng P2 bilyon para sa Vessel Monitoring System (VMS) Project noong 2018.

Base sa desisyong inaprubahan ni Ombudsman Samuel R. Martires, guilty si Escoto sa grave misconduct.

Matapos ang paglalabas ng kautusan, itinalaga ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang career official na si Isidro Velayo Jr. bilang officer-in-charge ng BFAR upang masiguro ang pagpapatuloy ng operasyon at implementasyon ng malalaking proyekto ng kagawaran.

Nag-ugat ang pag-asunto kay Escoto dahil sa mga maling aksiyon habang siya’y nakaupong chairman ng Bids and Awards Committee (BAC) ng ahensya.

Ayon sa anti-graft body, humantong ang mga maling desisyon ni Escoto, bilang pinuno ng BAC, sa paggagawad ng “pabor” na kontrata sa SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT) na nakabase sa United Kingdom.

Ang SRT-UK ang magsusuplay ng teknolohiya at mga kagamitan para sa Phase 1 ng Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project.

Layon ng proyekto na maprotektahan ang exclusive economic zone ng bansa kontra illegal fishing sa pamamagitan ng paglalagay ng VMS sa malalaking commercial fishing vessels para mamatyagan ang mga ito.

Ang PHILO Project ay inisyal na popondohan ng P1.6 bilyon sa pamamagitan ng pag-utang sa pamahalaan ng France kung kaya dapat French o may ka-joint venture na isang French company ang sinomang bidder.

Nauna nang nakuha ng SRT-France ang kontrata noong 2017 subalit hindi naman ito kinilala ng France dahil British umano ang may-ari ng kompanya.

Natuklasan din na isang buwan pa lamang na naitatayo ang SRT-France at wala itong mga pasilidad sa France kung kaya kumalas na lamang sa loan agreement ang French government.

Noong sumunod na taon, ang SRT-UK naman ang nanalong bidder at itinaas pa ang budget ng proyekto sa P2.09 bilyon na lokal nang popondohan.

Sinabi ng Ombudsman na malinaw na ginamit ni Escoto ang pagiging BAC chairman nito upang mapaboran sa pagkopo ng proyekto ang SRT-France at SRT-UK.

(PAOLO SANTOS)

72

Related posts

Leave a Comment