DAGDAG-SAHOD IGINIIT SA ARAW NI BONIFACIO

KASABAY ng paggunita ng ika-159 na kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, isang masidhing panawagan ang paabot ng mga obrerong hindi halos makagulapay sa kabi-kabilang pagtataas sa presyo ng bilihin sa merkado.

Sigaw ng nasa 800 manggagawang dumalo sa isinagawang protesta sa Plaza Miranda sa lungsod ng Maynila – dagdag sahod sa araw ni Bonifacio.

Kabilang sa mga nakilahok sa kilos-protesta ang mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Anakbayan at mga militanteng kabataan.

Kasabay ng pagtitipon sa Plaza Miranda, pinaigting naman ng mga militanteng kinatawan sa Kamara ang panawagan para sa dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin.

Ayon kay ACT partylist Rep. France Castro, hindi na sapat para bumuhay ng pamilya ang pinaiiral na antas ng sweldo sa mga manggagawang Pilipino saan mang bahagi ng bansang Pilipinas.
“Today, we commemorate the life of a true national hero, Andres Bonifacio. His legacy remains an inspiration to the Filipino people to continue to fight for higher salaries and wages,” ani Castro.

Para sa militanteng kongresista, angkop lang na pamarisan ang ipinamalas na tapang sa pakikibaka ni Bonifacio na batay aniya sa kasaysayan ay isang bodegero noong panahon ng Kastila, bago pa man itinatag ang Katipunan.

Dagdag pa niya, napapanahon nang suportahan ng Kamara ang panawagan ng uring manggagawa para sa angkop na pasahod sa mga obrero, kasabay ng pagsusulong ng P1,133 kada araw na minimum wage sa mga pribadong kumpanya habang P33,000 naman sa mga kawani ng pamahalaan.

“Dahil sa lumalalang krisis pang ekonomiya, dumadami ang nagugutom, nanatiling malaki ang bilang ng wala o kulang ang trabaho. Hindi nakabubuhay ang sahod at sweldo ng ating mga manggagawa,” litanya pa ni Castro.

Nagpahayag din ng suporta si Gabriela partylist sa posisyon ni Brosas.

“Sa araw na ito, pinalalakas namin ang panawagan para sa dagdag na sahod, regular at disenteng trabaho laluna sa kababaihang manggagawa.”

Kabilang naman sa hiling ng mga raliyista sa Plaza Miranda ang pagbasura ng kontraktwalisasyon, rice liberalization law at excise tax sa mga produktong petrolyo. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)

44

Related posts

Leave a Comment