UMABOT sa 6,400 manggagawa ang tinanggal mula sa mga kumpanyang pag-aari ng mga dayuhang kapitalista sa Mactan Economic Zone habang ‘ginugulpi’ ng coronavirus disease ang maraming panig ng bansa, kabilang na ang Cebu kung saan matatagpuan ang naturang economic hub.
Ang pinakabagong mga nawalan ng trabaho ay ang 300 manggagawa sa First Glory Apparel, ayon sa Partido Manggagawa (PM).
Ayon sa PM, pagkalugi at COVID-19 ang inirason ng First Glory sa “biglaang” pagtanggal sa 300 regular na mga manggagawa.
Hindi naniniwala ang mga manggagawa sa nasabing mga dahilan ng mga namamahala ng First Glory.
Sa press release ng PM, ipinaliwanag ng isa sa 300 manggagawa na si Cristito Pangan na: “First Glory is just using COVID-19 and the bankruptcy of its main client as alibi to replace regular workers with contract employees”.
Tiniyak ni Pangan na hindi bumaba ang bilang ng kanilang produksiyon dahil ang katotohanan ay pinagtatrabaho pa sila kahit sa mga araw na holiday at Linggo.
Aniya, ang pangunahing kliyente ng First Glory ay ‘nakaalpas’ na mula sa pagkalugi noong Setyembre at normal na ulit ang operasyon sa Amerika.
Bukod sa 300 manggagawa ng First Glory Apparel, naunang nagtanggal ng 4,000 manggagawa ang Sports City group of companies, 2,000 ang sinibak ng Yuenthai at 100 mula sa FCO. (NELSON S. BADILLA)
