EMPLOYMENT RECOVERY STRATEGY, TUTUKAN

0

IKINAGALAK ni Senador Joel Villanueva ang pagpapatupad ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na layuning magkaroon ng dagdag na trabaho sa bansa.

Gayunman, iginiit ni Villanueva na kailangan itong tutukan upang matiyak ang tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng programa.

“Maganda po ang layunin ng NERS, na nakikita natin bilang isang panimulang aksyon tungo sa paglikha ng trabaho at kabuhayan para sa ating mga manggagawa. Nagpapasalamat po tayo at kabilang ang ating mga mungkahi sa pagbabalangkas ng NERS,” saad ni Villanueva.

Sa bahagi naman ng Senado, sinabi ng senador na nakahanda ang kanyang komite na gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Konstitusyon na siguruhin na anuman ang ipinangako sa planong ito ay maibibigay o matutupad.

“Sisiguruhin po natin na maabot ang mga target ng NERS, at handa po ang Senado para magbigay ng tulong kung kinakailangan. Trabaho at kabuhayan po ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito,” sabi ni Villanueva.

Sinabi ng senador na malawak ang nakapaloob sa apat na pahinang Executive Order No. 140 tungkol sa paglikha ng trabaho, ngunit ang detalye sa pagpapatupad ay babalangkasin ng isang NERS task force na binubuo ng 19 na katao, kasama ang kalihim ng DOLE.

“Inaasahan po natin na ang jobs program ay mayroong malinaw at specific na targets, na siyang hihimayin ng ating NERS task force,” ani Villanueva.

Hinimok din niya ang NERS task force na lumikha ng “national trabaho map” kung saan magbubukas ng trabaho at kanino mag-aapply.

“Kailangan din po natin ng scoreboard tulad nung sa bakuna program natin para malaman natin kung natatamaan natin ang ating mga target sa ating job generation,” sabi ni Villanueva.

Unang trabaho din ng NERS task force ang siguruhin na ang pagbabakuna ng economic frontliners o yung mga kasama sa A4 priority group, ay tuloy-tuloy ang pagtanggap ng bakuna.

Hanggang nitong Hunyo 27, sa 10,065,414 bakunang naibigay, mahigit 12,340 lamang ang sa A4 hanggang sa pangalawang dose.

Hiniling din ni Villanueva sa NERS task force na sana ay trabahong regular ang mahanap nila at hindi pansamantala o “endo” na panandalian lamang.

Sa Labor Force Survey nitong Abril, sumipa na sa 8.73% ang unemployment rate, habang ang underemployment rate naman ay umabot na sa 17.22%. (DANG SAMSON-GARCIA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment