FAO 266 ng BFAR ipinatigil HULING ISDA, FOOD SECURITY TINIYAK SA MEMO NG PALASYO

TINIYAK na makatutulong sa food security at isang magandang hakbang ang desisyon ng Malacañang na suspendihin ang implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266.
Ayon kay Roderic Santos, director sa Inter-Island and Deep Sea Fishing Association (IDSFA), makatutulong ang naging pasya ng Palasyo para mapalaki ang lokal na produksyon ng isda at para matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Sa ulat, hinihingi sa ilalim ng FAO 266, na inisyu ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong 2020, ang paglalagay ng lahat ng mga commercial fishing operators ng Vessel Monitoring Measures (VMM) at Electronic Reporting System (ERS) upang mabatid ang lokasyon nila sa karagatan at upang maiulat nila ang kanilang huli.

Subalit sa isang bagong memorandum, na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa ngalan ni President Ferdinand Marcos Jr., inaatasan na ang Department of Agriculture (DA) at BFAR na itigil muna ang pagpapatupad ng FAO 266 sa buong bansa habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa constitutionality nito.

Ang memorandum ng Palasyo ay inilabas matapos ireklamo ng Alliance of Philippine Fishing Federations Inc. (APFFI) kay Pangulong Marcos (sa pamamagitan ni Bersamin) ang BFAR kaugnay ng pagpapatupad nito ng VMM at ERS sa commercial fishing vessels.

Ang APFFI ay binubuo ng iba’t ibang commercial fishing associations sa bansa mula Luzon hanggang Mindanao. Galunggong at tamban ang mga pangunahing huli ng pederasyon.

Sa liham nito noong Pebrero 2023, ipinabatid ng APFFI sa Executive secretary ang paghatol ng isang hukuman sa Malabon City na walang saysay ang FAO 266 dahil ito’y unconstitutional.
Kaugnay nito, binalewala naman ng IDSFA ang pahiwatig ng Oceana Philippines na maaaring makatanggap ang Pilipinas ng panibagong yellow card mula sa European Union dahil sa magiging epekto sa karagatan ng pagpapatigil sa FAO 266.

“Kaya import nang import ang Pilipinas dahil nalilimita ng FAO 266 ang huli ng ating mga commercial fishing vessels. Pa’no na ang ating food security kapag ganito?” ani Santos.
Bukod sa DA at BFAR, ang memorandum ng Malacañang ay natanggap din ng Office of the Solicitor General, Department of Trade and Industry, at National Telecommunications Commission. (PAOLO SANTOS)

206

Related posts

Leave a Comment