FORWARD NEGOSYO NI CONG. NOGRALES MULING UMARANGKADA

BILANG katuparan sa pangakong binitawan sa mga residente sa kanayunan, muling umarangkada ang programang Forward Negosyo ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles.

Sa pagpapatuloy ng programa ni Nograles, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), makakatanggap ng P10,000 ang nakatalang ikalawang bugso ng mga benepisyaryo bilang suporta sa pangarap na negosyo.

“Hindi po ito ayuda,” paglilinaw ni Nograles.

Aniya, ang nasabing halaga ay may kalakip na panuntunan – puhunan para sa maliit na kabuhayan ng mga maralitang mamamayan na apektado ng nakaraang pandemya sa bayang nasasakupan.
“Suporta po ito sa mga pamilyang nais magsimula ng maliit na negosyong kaagapay sa kanilang kabuhayan,” paliwanag ni Congressman.

“Hindi rin po ito galing sa akin. Galing po yan sa buwis na binabayad niyo. Ibinabalik lang po ng pamahalaan ang inyong buwis na binabayad sa pamahalaan,” wika ni Nograles.

“Ipagpatuloy lang po natin ang pagtitiyaga at pagpupursige at sabay-sabay po tayong babangon mula sa kahirapan.”

Pinasalamatan din ng kongresista si Senador Bong Go na aniya’y katuwang sa pagkalinga at pagsuporta sa ‘Sustainable Livelihood Program’ ng DSWD.

Kamakailan lang, namahagi rin si Nograles ng tig-P10,000 sa kada benepisyaryo sa inilatag na programang Forward Negosyo sa Montalban.

Sa kasagsagan ng pandemya, wala rin puknat ang agapay ni Nograles – sa kabila ng peligrong kalakip ng nakamamatay na COVID-19 – sa mga apektadong sektor sa naturang bayan.

“Ang totoo, kinakabahan din ako nung pandemic. Lahat naman tayo takot lumabas. Pero kung hindi naman ako kikilos, paano na ang mga nangangailangan ng tulong sa bayan ko… lalo na yung mga senior citizens.”

Bukod sa tulong pinansyal, kabilang rin sa ipinamahaging tulong sa kasagsagan ng pandemya ang lingguhang supply ng pagkain sa mamamayang nawalan ng hanapbuhay bunsod ng tigil-operasyon o pagkalugi ng mga negosyo sa panahon ng pandemya.

191

Related posts

Leave a Comment