JEEP GALING SA OUTING NAHULOG SA BANGIN, 10 SUGATAN

BATANGAS – Umabot sa sampu katao ang sugatan, kabilang ang driver ng isang pampasaherong jeep na nahulog sa mababaw na bangin sa national highway sa Barangay Natipuan, sa bayan ng Nasugbu sa lalawigang ito, nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa report ng Nasugbu Police, galing sa outing sa beach sa Matabungkay, Lian, Batangas ang mga biktima at pauwi na sa Imus, Cavite nang mangyari ang aksidente sa Nasugbu-Ternate road dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Base sa imbestigasyon, tinatahak ng nasabing jeep na may 27 sakay, ang pababang bahagi ng highway nang mawalan ito ng preno.

Para mapahinto, biglang kinabig ng driver ang manibela at isinalpok  sa mga concrete barrier sa gilid ng kalsada subalit lumusot ito at nahulog sa hindi kalalimang bangin.

Nagkaroon ng pinsala ang jeep sa unahang bahagi at natanggal pa ang dalawang gulong sa unahan.

Kabilang sa mga nasugatan ang nagmamanehong si Edgardo Balan at 9 na pasaherong sina Phoebe Eunice Guillermo, Gilbert Alcaparas, Otessa Alcaparas Shimomura, Rhodora Gawaran, Roderick Gawaran, Hershey Pearl Reyes, Eunah Pearl Reyes, French Rheybie Hondrade, at Leila Canlas.

Isinugod ang mga ito sa Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu para malapatan ng lunas dahil sa iniindang mga sugat, pasa at pananakit ng katawan. (NILOU DEL CARMEN)

295

Related posts

Leave a Comment