KADIWA PALALAKASIN NG NAVOTAS, DA

NAGKASUNDO ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas at ang Department of Agriculture (DA) na palakasin ang Kadiwa sa ilalim ng Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance Program.

Personal na nilagdaan nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at DA spokesperson and Assistant Secretary for Consumer Affairs Kristine Y. Evangelista, ang memorandum of agreement (MOA).

Sa ilalim ng MOA, tatanggap ang Navotas ng P5,000,000 na gugugulin nito sa pagpapatayo ng NavoBangka fiberglass boats para sa 30 rehistradong Navoteño fisherfolk.

Noong Nobyembre 16 mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nanguna sa paglulunsad ng  Kadiwa ng Pasko, na magbebenta ng isang kilo ng bigas sa halagang P25 kada kilo tuwing araw ng sweldo.

Sa naturang paglulunsad ay sinabi ng Pangulo na malapit nang makamit ng Pilipinas ang hangad na maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Ang nakalipas na ipinagkaloob na tulong pinansyal ng Kadiwa mula sa DA ay ginamit na pambili ng mga lambat at iba pang gamit sa pangingisda at ipinamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryong mandaragat.

Sumailalim naman ang mga benepisyaryo ng NavoBangka sa pagsasanay ng boat construction, repair, at maintenance mula sa  Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at matapos ang pagsasanay, sila ay gumawa ng kanilang sariling bangka gamit ang mga materyales na inilaan ng pamahalaang lokal at iba pang gamit mula sa BFAR. (ALAIN AJERO)

45

Related posts

Leave a Comment