LGUs PINAGHAHANDA SA PINSALA NG LA NIÑA

NANANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa local government units (LGUs) na paghandaan ang epekto ng panahon ng tag-ulan lalo pa’t nagbabadya na ang La Niña phenomenon.

Sa ngayon aniya ay patuloy na nakararanas ang buong mundo ng “extreme weather” na dala ng climate change, dahilan ng extreme heat at kinalaunan naman ay ang extreme rainy season.

“Extreme weather ang nararanasan natin. Matinding init ngayon at sa mga susunod na buwan naman ay asahan natin ang matindi naman na pag-ulan,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na labis na naapektuhan ng El Niño sa Zamboanga Peninsula sa Zamboanga City.

“Kaya naman po, nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga at sa mga karatig-bayan [nito sa] buong rehiyon: Maging handa po kayo sa lahat ng oras. Alamin natin ang pangangailangan ng ating mga nasasakupan at gumawa tayo ng mga programa na tiyak na makakatulong sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Ang La Niña ay mistulang tag-ulan na malimit nagiging dahilan ng pagbaha.

Nauna rito, nagpalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng La Niña watch ang Weather Bureau, at mayroon nang mahigit 55% na posibilidad na mararanasan na ang malamig na panahon sa susunod na 6 na buwan.

Ayon sa Pangulo, 3.6 milyong Pilipino ang apektado ng ‘extreme heat.

Idinagdag pa nito ang pinsala sa agrikultura na umabot naman sa P5.9 billion.

Ang pangako naman ni Pangulong Marcos, tutulungan ng national government ang mga apektadong LGUs kasabay ng panawagan sa mga mamamayan at sektor na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para makakuha ng tulong mula sa gobyerno. (CHRISTIAN DALE)

86

Related posts

Leave a Comment