MAHIHIRAP ISAALANG-ALANG SA PAGBUO NG MGA POLISIYA LABAN SA COVID-19

HINIMOK ni Senador Koko Pimentel ang gobyerno na mag-isip ng mga hakbangin na hindi magdaragdag ng pasanin sa mahihirap.

Tinukoy ni Pimentel ang ipinatutupad na no vaccination, no ride policy na ang lubha anyang apektado ay mahihirap na indibidwal.

Sinabi ng senador na matagal ng iba ang pasan na karga sa balikat ng mahihirap kumpara sa pasan ng mayayaman o may kaya kaya kailangan na ng bagong pag-iisip sa pamahalaan at ang mahihirap naman ang isipin.

“Ilagay ng policy maker at law enforcer ang sarili niya sa tsinelas ng mahihirap. Start looking at the world from the point of view of the poor,” saad ni Pimentel.

Binigyang-diin ni Pimentel na discriminatory ang ipinatutupad na polisiya lalo’t walang maibigay na balidong rason para sa magkaibang trato sa mga bakunado at hindi bakunado.

Ipinaalala ng mambabatas na ang bakuna ay proteksyon sa sarili lamang dahil hindi naman nangangahulugan na kapag bakunado na ang isang tao ay hindi na siya mahahawa o makakahawa pa ng virus.

Iginiit pa ni Pimentel na ang pagbabakuna ay personal na desisyon ninuman at hindi ito maipipilit.

“Ang selling point ng Covid vaccination is Pag vaccinated ka at least daw Kahit nagka Covid ka Hindi ka mamamatay (DAW!). Hence vaccination is for the protection of the person being vaccinated. Kaya yun Hindi naniniwala sa kwento na yan, about protection from death, hindi pwedeng pilitin kasi personal decision na yan,” diin ng senador.

Iginiit naman ni Senador Kiko Pangilinan na dapat bigyan ng kalayaan ng national government ang mga lokal na pamahalaan na dumiskarte o magpatupad ng mga sariling polisiya para sa kanilang vaccination program.

Ginawa ni Pangilinan ang pahayag kasunod ng pagtanggi ng ilang LGU na ipatupad sa kanilang mga lugar ang no vaccination, no ride policy.

Kasama sa mga tumanggi sa polisiya sina Governor Gwen Garcia at Cagayan de Oro City Mayor Oca Moreno.

Sinabi ni Pangilinan na dapat bigyan ng diskresyon ang mga LGU para sa kanilang sariling diskarte kasabay ng paalala na ang dapat atupagin ng national government ay ang availability ng bakuna. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment