MGA BAGITONG PULIS, DI DAPAT ITALAGA SA DRUG ENFORCEMENT – BATO

pulis

KUNG si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang masusunod, hindi niya hahayaang maitalaga sa drug enforcement group ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagitong pulis o ang mga  patrolman at tinyente.

Sinabi ni dela Rosa na panahon nang i-adjust ng PNP ang kanilang polisiya, kabilang ang vetting system kung sino ang dapat italaga sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG).
Sa gitna ito ng pagkakasangkot ng maraming pulis sa sinasabing cover-up sa P6.7 bilyong shabu bust sa Maynila noong 2022.

“Dapat nga, sabi ko nga, walang mga patrolman o tinyente na ma-assign diyan. Dapat i-expose muna field, ‘yung mahihirap na assignment, hindi ‘yung kagaya ng pag-graduate sa academy diretso agad sa PDEG. Ang exposure nila mali,” saad ni Dela Rosa.

Naniniwala ang dating chief PNP na nagkakaroon ng pagkakataon ang mga bagitong pulis na maging ninja cops kapag naitalaga agad sa drug enforcement units.

Ang ninja cops ay tumutukoy sa mga pulis na sangkot sa iligal na kalakalan sa droga na madalas nag-re-recycle ng mga nakumpiskang droga.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa, inamin ni dating PDEG director Police Brigadier General Narciso Domingo na nagkaroon ng lapses sa October 2022 drug bust.

Nasabat sa operasyon ang 990 kilos ng shabu at naaresto ang sinasabing ninja cop na si dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo. (Dang Samson-Garcia)

377

Related posts

Leave a Comment