“OUR Embassy immediately activated its emergency response mechanism and provided assistance to the Philippine police in the investigation,” ito ang tugon ng China Embassy in Manila matapos na mabatid ang insidente ng pamamaril ng isang Chinese national sa kapwa niya Chinese sa Makati City.
Hinikayat din ng embahada ang Philippine National Police na paigtingin ang pagtugis at pagdakip sa suspek at tiyakin ang kaligtasan ng Chinese citizens at kanilang mga ari-arian sa Pilipinas.
“On top of that, the Embassy is also providing consular assistance to and advances necessary post-incident arrangements for the family of the deceased Chinese citizen,” ayon sa China Embassy spokesperson kasunod ng pahayag na prayoridad nila ang pagtiyak sa kaligtasan at kagalingan ng Chinese citizens dito sa Pilipinas.
Nabatid pa na kamakailan lamang ay nakipagkita si Ambassador Huang Xilian, ang Deputy Chief of Mission at Counselor na in charge sa consular matters, at nakikipagpalitan ng pananaw hinggil sa China-Philippines law enforcement cooperation, sa bagong hirang na kalihim ng Department of the Interior and Local Government Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla, at Commissioner of the Bureau of Immigration Joel Anthony M. Viado, at ilang mataas na PNP at law enforcement officials.
“It is our expectation that effective measures be taken to ensure the safety and legitimate rights of Chinese citizens in the Philippines and cases involving Chinese nationals be handled in a fair and just manner,” pahayag pa ng embahada.
Hiniling din ng Chinese envoy na bilisan ang imbestigasyon at resolusyon sa serious criminal cases na kinasasangkutan ng Chinese citizens.
Samantala, tukoy na umano ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sangkot sa pamamaril ng kapwa nila Chinese sa loob ng isang kainan sa Makati City.
Nakunan ng CCTV ang plate number ng sasakyang ginamit ng dalawa para makatakas.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Zi An” at alyas “Bao Long” na positibo ring itinuro ng mga testigo.
Nabatid na nagsasagawa na manhunt operation ng mga intelligence at operatiba ng PNP
Dahil sa sensitibong insidente na ito, ang PNP ay nakikipag-ugnayan sa Chinese Embassy upang matiyak ang tamang impormasyon at suporta,” ayon sa Makati City Police. (JESSE KABEL RUIZ)
133