“PARA palang batang napikon sa playground.” Ganito inilarawan ni dating ACT Party-list Rep. Antonio Tinio ang inasal ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa isang forum kaugnay ng P125 million confidential funds na ginastos nito sa loob lamang ng 19 araw noong 2022.
Kasabay nito, hindi na ikinagulat ni Tinio ang pahayag ni Duterte na gawa ng terorista ang pagpapakalat umano ni Rep. France Castro ng kasinungalingan sa kanyang confidential funds na illegal na ilipat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Tinio, daig pa ng pangalawang pinakamataas na lider ng bansa ang isang batang pikon na natalo sa laro matapos mag-astang bata ito sa pagpapaliwanag hinggil sa nasabing pondo sa isang forum.
“Kapag nakikinig ako kay France Castro, nakatingin ako kay France Castro. Naisip ko, sabi niya: confidential fund…nyeh-nyeh-nyeh confidential funds. Maayos naman ang accounting namin tapos hmmmm, hmmmm, confidential funds,” ani Duterte na tila bata habang sinasabi ang nabanggit na mga kataga.
Hindi inaasahan ng grupo nina Tinio at Castro na pawang mga dating guro, ang ganitong naging asal ng pangalawang pangulo gayung dapat maging ehemplo ito sa mga kabataan lalo na’t siya ang kalihim ng DepEd.
Inasahan na rin umano ni Tinio na reresbakan ni Duterte si Castro sa pamamagitan ng terrorist tag dahil hindi nito maipaliwanag sa publiko kung papaano nito nagastos ang halos P7 million kada araw mula December 13, 2022 nang ilipat ang pondo sa kanyang tanggapan hanggang December 31, 2022.
“You and I knew this was coming. Sa halip na sagutin nang maayos ang mga tanong sa kanyang P125 million Confidential Fund na naubos in 19 days, she pulls out the TERRORIST card,” pahayag ni Tinio.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa nasabing forum sinabi ni Duterte na: “…and we should expose the lies employed by the terrorist to survive. ‘Yan ang ginagawa ni France Castro”.
Hindi naman nagpatinag si Castro at sinabing muli nitong kakalkalin ang confidential funds na ito ni Duterte kapag naisalang na sa plenary debate ang budget ng kanyang tanggapan dahil tungkulin nito na bantayan ang pondo ng bayan.
“Instead of taking ad hominem pot shots at those who question her, we urge the Vice President to address the issues head on and provide complete answers to the questions posed by myself and others regarding her Confidential Funds. May karapatan ang mamamayan na malaman kung paano niya ginastos ang P125 million Confidential Fund sa loob ng 19 araw,” hamon ng mambabatas kay Duterte.
(BERNARD TAGUINOD)
253