NCRPO CHIEF KINAKALADKAD SA ILLEGAL GAMBLING SA QC

MULING umarangkada ang jueteng at bookies ng Small Town Lottery o lotteng, sa Lungsod Quezon dahil sa umano’y binasbasan na ito ng mataas na opisyales sa National Capital Region Police Office.

“Hinahamon namin si BGen. Jose Melencio Nartatez na agarang sugpuin ang muling paglipana ng ilegal na sugal sa QC upang hindi kami maniwala sa ipinagyayabang ng mga ilegalista sa lungsod na ito na may basbas silang mag-operate muli sa pamunuan ng NCRPO,” pahayag ng isang mataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang reaksiyon ng PCSO official ay bunsod ng reklamong nakarating sa kanilang ahensiya na hinihigop ng jueteng at lotteng ang benta ng lehitimong STL na tiyak na magpapabagsak sa remittance o revenue share para sa gobyerno.

Sa ulat na nakarating sa PCSO ay tatlong ilegalista umano ang nagpatawag ng miting sa mga kubrador at tauhan ng ilegal na sugal upang pag-isahin at gawing organisado ang kanilang galaw.

Ang nasabing pagpatawag ng pagpupulong, na pinangasiwaan ng mga kilalang ilegalista na sina Boss Ramil, Boss Ver, at Boss Pery ay gagawin dapat sa 25 B. Baluyot sa Diliman, QC bandang alas-11 ng umaga matapos umanong mabigyan sila ng basbas ng matataas na opisyal sa Camp Bicutan kung nasaan ang punong himpilan ng NCRPO.

“Maging ang hepe ng QCPD na si BGen. Nicolas Torre ay nagbubulag-bulagan din sa operasyon ng ilegal na sugal sa kanyang nasasakupan… kaya hinahamon din namin siya na kung hindi siya kasabwat ng mga iligalista ay dapat seryoso nyang sugpuin ang jueteng at lotteng na kinasangkutan din nina Alyas Pinong, Lito Motor at isang illegal Gambling Queen na kilala sa pangalang Tisay.

Ayon sa reklamong nakarating sa PCSO ay sinasabing maayos na sana ang takbo ng legal na STL sa nasabing lungsod dahil nauna nang nagdeklara ng “no take policy” ang NCRPO sa mga ilegal na sugal kaya malaki umano ang naiaambag na revenue share ng lokal na loterya sa charity funds ng gobyerno.

“Nang mapabalitang binasbasan na ng NCRPO ang jueteng at lotteng sa Kyusi ay biglang namayagpag na naman ang mga ilegal na sugal at hinihigop nito ang benta ng lehitimong STL na siyang nagbibigay ng wastong buwis o revenue share sa gobyerno,” pagtatapos na pahayag ng PCSO official.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

369

Related posts

Leave a Comment