PAGBASURA SA 3% PREMIUM NG OFWs ITUTULAK SA SENADO

GUSTONG ipabasura ni Senadora Imee Marcos sa inihaing panukalang batas ang 3% premium na obligadong bayarin ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa pahayag, hinamon din ni Marcos si Health Secretary Francisco Duque na suportahan ang panukala base sa kanyang binitiwang salita nitong nakaraang linggo sa pagdinig ng Senado
patungkol sa isyu ng mga anomalya sa ahensya.

“Ang sabi nga, Kung gusto, maraming paraan; kung ayaw, maraming dahilan. Magkaisa tayong tulungan ang ating mga OFW na matigil ito,” ani Marcos.

Iginiit ni Marcos na hindi na kailangan pang ipapasan sa OFW ang binabawas na 3% premium sa kanilang sahod, kung mababawi ang bilyong pisong nawala at nasayang mula sa pondo nito.

Kabilang sa mga nasayang na pondo ng PhilHealth na higit pa sana sa nakukolektang premium sa mga OFW, ang labis na bayad sa reimbursements ng mga ospital dahil sa mga eksaherado o
pinalala ang sakit  – na tinatawag na “upcasing”, ‘ghost’ patients, at mga isiningit na board at room charges na hindi naman nagamit ng mga outpatient.

Una nang sinuspinde ni Pangulong Duterte ang koleksyon ng 3% premium noong Mayo at ginawa na lamang boluntaryo, matapos magulantang ang mga OFW na dinagdagan pa ang dati ay 2.75%
rate nito.

Ang pangungolekta ng premium sa mga OFW ay batay sa pinatutupad na implementing rules and regulations ng Universal Health Care Act.

Ibinunyag din ni Marcos na ginamit ang P530 milyong pondo mula sa OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) ni noo’y PhilHealth President Francisco Duque para iimprenta ang imahe ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa halos limang milyong PhilHealth cards, para tapatan ang popularidad ng namayapang aktor na si Fernando Poe Jr. sa 2004 presidential election, paliwanag ni Marcos. (ESTONG REYES)

136

Related posts

Leave a Comment