MATAPOS ang isyu hinggil sa bawian ng appointment para sa no. 2 top post sa Philippine National Police, nagtalaga na si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ng bagong PNP Deputy Chief for Administration.
Batay sa nilagdaang memorandum order ni PNP Director for Personnel and Records Management PMGen. Belli Tamayo, epektibo mula noong Huwebes, mayroon nang bagong number 2 man ang Pambansang Pulisya.
Sa inilabas na pahayag ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, itinalaga ni General Acorda si Police Lt. Gen. Emmanuel Peralta bilang number two man ng PNP kapalit ng binakanteng puwesto ng nagretirong si Lt. Gen. Rhodel Sermonia.
Bago maitala sa naturang puwesto, nanilbihan muna si Peralta bilang chief of directorial staff ng PNP, at dati ring nagsilbi bilang director for operations at director ng Police Regional Office 1 at Southern Police District sa Metro Manila.
Magugunitang nilinaw ng pamunuan ng pambansang pulisya na tanging ang Pangulong lamang ng Pilipinas ang may kapangyarihan para magtalaga ng senior officials para sa top hierarchy ng PNP, matapos ang napabalitang pagbawi sa appointment ni PLt. Gen. John Dubria bilang no.2 man ng PNP, sa mismong araw din na ibinaba ang promosyon.
Giit ng PNP, ang pagbawi ay para umangat ang posisyon ni Dubria na kasalukuyang PNP Deputy Chief for Operations o no. 3 man, ay walang kinalaman sa umano’y pagiging Davaoeño nito.
Paglilinaw ng PNP, manggagaling umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang appointment sa mga top brass ng Pambansang Pulis gaya ng pagtatalaga kay Lt. Gen. Michael John Dubria bilang officer-in-charge ng Office of the Deputy Chief for Administration, na agad na binawi.
Si Police General Dubria ay kasapi ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991, Mistah ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr.
Sinasabing ang designation order ay pirmado ni Major Gen. Belli Tamayo ng Directorate for Personnel and Record Management (DPRM) na may petsang January 29, kung saan itinalaga si Dubria sa binakanteng pwesto ni Sermonia pero sa araw ding iyon ay binawi o pinawalang bisa umano ang kautusan.
Sa inilabas na pahayag ni PNP Public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo nilinaw nito na tanging ang Pangulo ang may kapangyarihan na magtalaga ng TDCA at maging sa TCDO.
“I was made to understand that the order was issued prematurely. If you recall I mentioned last Monday that the designation and appointment of the TDCA and TDCO is within the authority ng ating Presidente. So it was nullified to give deference nga sa official appointment na ilalabas ng ating Presidente,” ani Fajardo.
Samantala, hahalili naman sa nabankanteng pwesto si PMGen. Jon Arnadia Arnaldo na dating nakatalaga sa Area Police Command Northern Luzon. (JESSE KABEL RUIZ)
197